Dumlao umalma sa warrant of arrest
MANILA, Philippines – Dahilan sa alyas lamang ang nakalagay, inalmahan kahapon ni Sr. Supt. Raphael Dumlao, isa sa mga iniimbestigahan sa tokhang for ransom ang isinilbing warrant of arrest ng mga awtoridad kaugnay ng kidnap slay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick-Joo.
Ayon kay Dumlao, walang bisa ang nasabing ‘warrant of arrest’ dahilan isang alyas “Dumlao” lamang ang nakasaad dito.
Si Dumlao ay itinuro nina SPO4 Roy Villegas at PO2 Christopher Baldovino na siyang team leader ni SPO3 Ricky Sta Isabel sa pagdukot kay Ick-joo sa tahanan nito sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 2016 kung saan ang biktima ay pinaslang umano sa loob mismo ng Camp Crame.
Ang opisyal at ang iba pang isinasangkot sa krimen ay kasalukuyang nasa ‘restricted custody’ sa Camp Crame na nasa ilalim ng pagbabantay at pangangasiwa ng Headquarters and Support Group (HSS).
Sinasabing pasado alas -12 ng madaling araw nitong Sabado habang isinisilbi ang nasabing warrant of arrest ay pumalag si Dumlao at humingi ng tulong sa isang tv network na magco-cover sana sa pagi-isyu ng warrant na tumanggi namang isakay sa kanilang behikulo ang kontrobersyal na opisyal.
Dahil dito ay pumara ng taxi si Dumlao at tumuloy sa kanilang tahanan sa Antipolo City kung saan muling isinilbi ang ‘warrant of arrest’ pero tumanggi ang opisyal na kilalanin ito . Isang opisyal na nakilala namang si Sr. Supt. Benjamin Nacorda ang nag-escort umano kay Dumlao.
Nang hingan naman ng paliwanag si Atty. Dennis Wagas, legal officer ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG), sinabi nito na naka-pending pa ang isinampa nilang ‘supplementary complaint ‘sa Department of Justice (DOJ) para ilagay sa warrant of arrest ang buong pangalan ng akusado pero iginiit na ipagpapatuloy nila ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa akusado. Samantala, makalipas ang ilang oras ay muling naibalik sa restrictive custody sa Camp Crame si Dumlao mula sa tahanan nito sa Antipolo City.
- Latest