Villar: Department of Migration, tututok sa pangangailangan ng OFW
MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Sen. Cynthia Villar na sa sandaling maitatag ang Department of Migration and Development, pagtutuuan nito ng pansin ang pangangailangan ng may 12 milyong Pilipino sa ibang bansa.
Isusulong ng Senate Bill No. 146 o “Department of Migration and Development Act of 2016” ang pagbuo ng departamentong magpapanukala at magpapatupad ng mga polisiya, plano at programa ng pamahalaan sa pangangalaga, kaligtasan at suporta sa mga Pilipinong nasa ibang bansa at maiiwang pamilya.
Pinasalamatan ni Villar si Sen. Joel Villanueva, chairman ng Committee on Labor, Employment and Human Resources Development sa pagkilala bilang “priority measure” sa kanyang inakdang panukalang batas.
Inaasahang ang Department of Migration and Development ang magpapayabong, magpapatupad at magpapabuti sa ating pakikipag-ugnayan sa mga bansang may mga Filipino. Ito rin ang susubaybay sa foreign developments upang matiyak ang pinakamagandang “working conditions” ng ating OFWs.
Bubuo rin ito ng “proactive approach” sa pagbibigay ng tulong sa kanila lalo na kung may giyera at civil unrest.
Tututukan din nito ang patuloy na edukasyon, pagsasanay at kuwalipikasyon, availability at deployment ng OFWs at makikipagtulungan sa concerned agencies upang maging globally competitive ang ating overseas Filipinos.
Layunin ng bill na magtatag ng P1-billion Special Assistance Revolving Fund para sa Filipino Migrants, documented at undocumented. Gagamitin ito bilang emergency repatriation, medical expenses, immigration penalties, legal assistance, pambayad na blood money, humanitarian assistance sa maiiwang pamilya, scholarships sa mga anak ng Filipinos overseas, maintenance at operational expenses kabilang ang capital outlay sa pagtatayo ng One-Stop Migrant Processing and Assistance Centers.
- Latest