Senado magtatayo ng sariling building para ‘di na umupa
MANILA, Philippines – Upang hindi na gumastos ng P170 milyon taun-taon para sa upa sa gusali, target ng Senado na magtayo na lamang ng sariling building na posibleng itayo sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Sinimulan na kahapon ng Senate committee on accounts na pinamumunuan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagdinig sa panukala na i-relocate ang Senado.
Kung matutuloy ang plano, sisimulan ito sa 2018 at inaasahang matatapos sa 2020.
Ayon pa kay Lacson, aabutin ng P2.4 bilyon hanggang P4.8 bilyon ang gagastusin para sa pagbili ng lupa at pagtatayo ng sariling gusali ng Senado.
Sinabi pa ni Lacson na 16 na taon na ang nakakaraan ng unang mapag-isipan ang pagkakaroon ng sariling gusali ang Senado pero hindi pa rin ito natutuloy.
Maari aniyang kunin ang pondo sa nakalaang budget para sa 24 senador para matupad ang plano.
Kabilang sa mga ikinokonsiderang pagtatayuan ng gusali ang Navy Village sa Taguig City.
Bagaman at sang-ayon si Senate President Koko Pimentel sa panukala, may “reservation” naman siya dahil sa isinusulong na Charter change kung saan maaring mabago ang bilang ng mga senador na mula sa kasalukuyang 24, maaring maging 48 hanggang 72.
- Latest