^

Punto Mo

Sta. Isabel, may lusot sa kaso ng Koreano?

SUPALPAL - Non Alquitran - Pang-masa

HINDI dapat minimenos ni PNP chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa si SPO3 Ricky Sta. Isabel, ang prime suspect sa kidnap for ransom ng Koreanong si Jee Ick-Joo. Nitong nagdaang mga araw, pilit inilalayo ni Sta. Isabel ang sarili sa kaso at maraming itinuturo na mga opisyales ng PNP na sa tingin niya ay may kagagawan ng kaso. Lumalabas na hindi gawain ng bagito ang depensa ni Sta. Isabel, di ba mga kosa? Lalo pang nagulo ang kaso dahil sumali pa ang asawa ni Sta. Isabel na si Jinky at ang mga tinuran niya sa interbyu sa media ay mukhang pinaniniwalaan pa ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre. Ano ba ‘yan? Nahihilo na ang sambayanan kung sino ba talaga ang kumidnap at pumatay sa Koreano dahil kahit may testigo na ang PNP laban kay Sta. Isabel, mayroon palagi itong magandang palusot. Hehehe! Sa takbo ng imbestigasyon sa ngayon, baka hindi pa magkaroon ng linaw itong kaso ni Jee hanggang sa magretiro si Bato sa Enero 2018 o mawala na sa puwesto si President Digong sa 2022. Ano sa tingin n’yo mga kosa?

Marami ring mga beteranong imbestigador ng PNP na sumusu­baybay sa kaso ang naniniwala na hindi madidiin si Sta. Isabel dahil sa anggulong corpus delicti o kawalan ng bangkay ni Jee. Ayon kay ret. Sgt. Greg Mendoza, mahihirapang umusad ang kaso laban kay Sta. Isabel dahil sa corpus delicti at may tsansang makapag-bail ang akusado dahil mahina lang ang maisampang kaso laban sa kanya. Ang isang kaso na puwede nating ihambing ay ‘yung pagpaslang ng isang “kristo” sa sabong ng tropa ni ret. Insp. Ricky Abando, ng dating Western Police District (WPD). May mga testigo na nagtuturo sa tropa ni Abando na kumuha sa kristo na “umipot” sa una subalit hindi umusad ang kaso dahil walang corpus delicti. Subalit minalas si Abando at ang bangkay ng kristo, na isinalaksak sa isang drum at sinimento bago itapon sa dagat, ay lumutang sa pampang ng Pasig river dahil sa low tide. Kaya hayun, nakasuhan si Abando subalit nakamatayan na lang niya ang kaso. Sa ngayon, alam n’yo na mga kosa kung bakit sinunog ang bangkay ni Jee at nai-flush sa toilet? Kasi nga, itong technicality na tinatawag na corpus delicti ay malaki ang gagampanan sa kaso kahit pa naniniguro si PNP spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos na swak si Sta. Isabel sa kaso ni Jee dahil sa sangkaterbang electronic evidence laban sa kanya. Lalo pa kung uuwi sa South Korea ang asawa ni Jee, kaya ang mangyayari walang complainant. Boom Panes! Hehehe! Poker face lang itong si Sta. Isabel na hindi makikita sa mga baguhan sa kaso, di ba mga kosa? Ano kaya ang ibig sabihin ni Sta. Isabel na negosyante siyang pulis?

T’yak magkakainteres ang mga abogado o mga nag-aaral ng abogasya sa kaso ni Sta. Isabel dahil marami silang mapupulot na aralin dito. Hindi rin ako magtataka kung ang law professors ay ibibigay na assignment ito sa kani-kanilang estudyante dahil masyadong masalimuot at tiyak maraming gray area sa batas ang uungkatin sa korte kapag nagsimula na ang hearing ng kaso. Hindi lang ‘yan! Maging si Bato ay kamuntik nang mahulog sa bangko dahil sa panawagan ni Speaker Pantaleon Alvarez na mag-resign dahil sa kahihiyang idinulot ng kaso ni Jee sa PNP. Mabuti na lang at kinampihan ni Digong si Bato kaya stay muna siya sa puwesto. Hehehe! Bagyo talaga si Bato kay Digong ano mga kosa? Tumpak!

Sa ngayon, nakamasid ang rank-and-file ng PNP kung paano lilinisin ni Bato ang organization ng tinatawag na scalawag cops, tulad ni Sta. Isabel. Tama lang ang puna ni dating PNP chief at now Sen. Ping Lacson na dapat i-focus muna ni Bato ang effort niya sa cleansing ng PNP at kalimutan muna ang pangarap niyang maging senador dahil malayo pa naman ang 2019 election. Marami kasi ang nakakapuna na puro selfie sa kahit kanino si Bato, pati ang pag-attend niya ng kung anu-anong concert at events para itulak ang ambisyon niya na maging senador nga. Kaya nang dumating ang kaso ni Jee, nagulat si Bato lalo na sa panawagan na mag-resign siya. Maaring nanatili sa puwesto niya si Bato subalit nabura ang lahat ng pogi points niya sa kampanya laban sa droga dahil sa kaso ni Jee. At tututukan ko ang mga hakbangin niya para maibalik ang tiwala ng sambayanan sa PNP. Hala kilos na Sir Bato! Abangan!

KOREANONG SI JEE ICK-JOO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with