7 parak na nangotong sa 3 Koreano, sinibak
MANILA, Philippines - Pitong pulis ng Angeles City, Pampanga ang sinibak na sa puwesto at isinalang sa summary dismissal proceedings matapos na mabulgar na sangkot sa robbery/extortion laban sa tatlo negosyanteng Koreano.
Sinabi ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa, na ang insidente ay naganap sa Angeles City noong Disyembre ng nakalipas na taon at itong buwang lang nabulgar.
Ang mga pulis ay kinilalang sina PO3 Arnold Nagayo; PO3 Roentjen Domingo; PO2 Richard King Agapito; PO2 Ruben Rodriguez; PO3 Gomerson Evangelista; PO1 Jayson Ibe; at PO1 Mark Joseph Pineda na kasalukuyan nang nasa restrictive custody.
Sa paunang imbestigasyon ang tatlong Koreano ay nagtungo sa Angeles City, Pampanga upang maglaro ng golf nang dakpin umano ng pitong pulis at akusahang sangkot sa online gambling.
“Merong 7 pulis ngayon doon na suspect sa robbery. Merong tatlong Koreano na pumunta lang dito para maglaro ng golf tapos pinasok na yung bahay, inakusahan na illegal online gaming, nung wala silang nakuhang ebidensya doon pinagnanakaw ang gamit ng mga Koreano then ngayon, dinala sa istasyon, hinuli yung tatlo,” wika ni Dela Rosa.
Nagawang makotongan ng P200,000 ng pitong parak ang mga biktima.
Nagdesisyon ang mga biktima na huwag ng kasuhan ang mga suspek, pero gumawa ang mga ito ng affidavit na maaaring gamitin ebidensya sa kasong administratibo laban sa mga akusado.
- Latest