‘Resign Bato, pag-aralan muna’-PNP
‘Saka na kapag drug free na ang Pinas’- Dela Rosa
MANILA, Philippines – Hindi kailangang putulin ang ulo kung namamaga lamang ang isang munting daliri!
Ito ang mariing katwiran kahapon ng Philippine National Police sa gitna na rin ng umiinit na panawagan na magbitiw na sa puwesto si PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa na iginiit na kailangan muna itong dumaan sa isang masusing pag-aaral.
“Kapag namaga at nasugatan ang isang maliit na daliri, kailangan bang putulin ang ulo para magamot ito?” tanong ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos matapos na magngitngit ang mga netizens sa pagkakabulgar na sa loob mismo ng Camp Crame pinaslang ng mga pulis ang dinukot na si South Korean trader Jee Ick Joo noong gabi ng Oktubre 18, 2016 o ilang oras matapos itong dukutin sa kaniyang tahanan sa Angeles City.
Kahapon, nag-trending sa social networking sites partikular na sa facebook at twitter ang # Resign Bato mula sa nagngingitngit na mga netizens na dismayado sa PNP habang nahahati naman ang opisyal ng gobyerno sa isyu kung dapat pang magbitiw sa puwesto si dela Rosa.
Kabilang naman sa mga opisyal ng gobyerno na nanawagan ng pagbibitiw ni dela Rosa ay si House Speaker Pantaleon Alvarez dahil nagdudulot lamang umano ito ng matinding kahihiyan sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Samantalang sa panig ng mga Senador, isa umanong ‘wake up call’ ang kontrobersyal na isyu na hindi dapat balewalian ng Chief PNP.
Nitong Biyernes ng gabi ay sinabi ni dela Rosa na magbibitiw lamang siya sa puwesto kapag si Pangulong Duterte ang nagdesisyon at tinanggal siya sa puwesto.
Inihayag naman ni dela Rosa kahapon na nakahanda siyang magbitiw kapag drug free na ang Pilipinas at sinabing marami pa siyang dapat tapusin sa anti –drug campaign.
Nitong Huwebes ay nabulgar sa testimonya sa Department of Justice (DOJ) ng isa sa mga suspek na si PO2 Christopher Baldovino na sa mismong bakuran ng Camp Crame pinaslang si Ick-joo ng mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG).
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na sa kabila ng pinaslang na si Ick-joo ay humingi pa ng ransom na P5 milyon ang mga kidnapper ni Ick-joo sa misis nitong si Choi Kyung Jin na naibigay nito noong Oktubre 30 ng nagdaang taon pero ang karagdagang hinihirit na P4.5 million ransom ay hindi naibigay dahilan walang ‘proof of life’.
- Latest