EDITORYAL - Anim na buwan na lang ang itatagal
HINDI na magtatagal ang mga bandidong Abu Sayyaf. Anim na buwan hanggang isang taon na lang sila. Ito ang mariing ipinahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana. Ayon sa Defense chief, kapag nalipol na ang Sayyaf, matitigil na ang kidnapping at pambobomba particular sa southern part ng Mindanao.
Naglunsad ng opensiba ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sayyaf noong Hunyo nang nakaraang taon at marami nang napatay. Hanggang ngayon, walang puknat ang pagsalakay ng mga sundalo. Ang malawakang opensiba ay ipinag-utos ni President Rodrigo Duterte. Ayon kay Duterte, huwag nang tantanan ang Sayyaf hanggang sa maubos ang mga ito.
Noong nakaraang taon, dalawang Canadian hostages ang pinugutan ng ulo ng Sayyaf. Hindi umano nakapagbigay ng ransom ang dalawang Canadians, pinugutan din ang isang binatilyo nang hindi makapagbigay ng ransom ang pamilya.
Malaking pera na ang naibulsa ng Abu Sayyaf sa pangingidnap sa loob ng anim na buwan sa taong ito. Ayon sa report, umabot na sa P353 milyon ang kinita sa kidnapping. Pawang sa mga dayuhang biktima nanggaling ang ransom. Sa kabila na mahigpit ang gobyerno sa no ransom policy, hindi naman mapigilan ang kaanak ng mga biktima sa pagbibigay ng ransom sapagkat papatayin ang mga ito.
Ang malaking kinikita sa kidnapping ang dahilan kaya nakakabili nang matataas na kalibre ng baril ang Abu Sayyaf. Ayon sa report, sa kinitang P353 milyon, nakabili ang mga bandido ng 438 baril at nakapagsasagawa pa ng terrorists trainings.
Tapusin na rin ang pamamayagpag ng Maute Group na nagsasagawa ng pambobomba sa maraming lugar sa Mindanao kabilang ang Davao City. Ang grupong ito umano’y nakakakuha ng suporta sa ISIS.
Huwag nang tantanan ang dalawang grupong ito. Ibuhos ang lakas sa kanila para tuluyang malipol. Kung maaari, huwag na silang paabutin ng anim na buwan.
- Latest