Vanity tax proposal umani ng suporta
MANILA, Philippines - Umaani ng suporta mula sa mga Kongresista ang panukalang ‘vanity tax’ o pagpapataw ng mas malaking buwis sa mga make-up, iba pang cosmetic products at mga serbisyong liposuction, facelift, nose job, breast augmentation at iba pa.
Ang nasabing panukala ay isinusulong ni Ako Bicol PL Rep. Rodel Batocabe, sa halip na ituloy ang pagtataas sa excise tax o pagbubuwis sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Isabela Rep. Rodito Albano, mas mainam na isantabi na ang pagpupumilit na maitaas sa 10 hanggang 30 percent ang excise tax, dahil tiyak na ang mga ordinaryong tao ang tatamaan sakaling maging ganap na batas ang nasabing panukala.
Sa halip, mas mabuti umanong katigan ang vanity tax o ‘tax on luxury’, dahil may katapat na halaga kung gusto ng mga tao na maging kaakit-akit o pagiging good-looking.
Sa panig naman ni Quezon City Rep. Winston Castelo, ang mga simpleng tao at empleyado ay hindi dapat magsakripisyo sa mataas na buwis.
Kaya magandang opsyon umano na targetin na lamang ang mga taong adik sa pagiging banidoso.
Sa panukala si Batocabe, alternatibo sa pagtataas ng excise tax ang vanity tax at kapag natuloy ang higher excise tax, tataas din ang singil sa pamasahe, kuryente, bilihin at iba pa.
Subalit kung may vanity tax, kayang-kaya na makolekta ang buwis sa beauty industry, at baka mas mataas pa sa sin taxes mula sa sigarilyo at alak na nakakalap ng pamahalaan.
- Latest