Karpintero utas sa energy drink
MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang na-overdose umano ng apat na energy drink kaya namatay ang 37-anyos na karpintero na hindi na gumising sa kaniyang pagkakatulog na hinihinalang inatake sa puso sa barracks ng construction site sa Barangay Talisay, Sorsogon City, Sorsogon kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Jessie Yusi Don ng San Jacinto, Masbate.
Sa ulat ng Sorsogon City Police na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-8:27 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa pagkamatay ng biktima sa barracks sa construction site ng kilalang fastfood chain.
Agad namang rumesponde ang mga pulis subalit wala namang makitang anumang palatandaan na pinatay ang biktima.
Sa pahayag ng mga kasamahang trabahador, bago ito natulog ay uminom umano ng apat na bote ng kilalang energy drink kung saan kinaumagahan habang ginigising ito ay nadiskubreng patay na.
Pinaniniwalaan namang inatake sa puso ang biktima bunga ng overdose sa pag-inom ng energy drink.
- Latest