Pinakamataas na award sa PUP Mabini Media Awards nakuha ng Kapamilya
MANILA, Philippines - Patuloy na namamayagpag ang ABS-CBN sa mga student award-giving body matapos makamada ang pinakamataas na awards para sa TV, radyo, print, at online sa katatapos lamang na Polytechnic University of the Philippines (PUP) Mabini Media awards na tinanghal noong nakaraang linggo.
Ang Kapamilya Network ay nag-uwi ng 19 na pagkilala, kasama na ang Station of the Year, Best AM Radio Station of the Year para sa DZMM Radyo Patrol 630, Best Fashion and Lifestyle Magazine para sa Metro Magazine, at Best Online News Website para naman sa news.abs-cbn.com.
Nanguna ang ABS-CBN Integrated News & Current Affairs sa mga nanalo sa pagbuslo nito ng 10 awards kasama na ang Best Morning Program ng Umagang Kay Ganda, Best Educational Program ng Matanglawin, Best Sports Program ng Sports U, Best Public Affairs Program ng Failon Ngayon, Best AM Radio News Program ng Radyo Patrol Balita, at Best AM Radio News Commentary Program para sa Dos Por Dos.
Ginawaran din ang mga batikang broadcast journalist na sina Karen Davila at Anthony Taberna bilang Best Female News Anchor at Best AM Radio Commentary Program Host.
Nanalo din ang ABS-CBN ng mga major award para sa entertainment category. Pinangunahan ito ng pinagbibidahan ni Coco Martin na FPJ’s Ang Probinsyano, na nanalo bilang Best Primetime Drama Series, It’s Showtime, Be My Lady, Gandang Gabi Vice, at The Voice Kids.
Ang flagship FM radio station naman ng Kapamilya network na MOR 101.9 ay masaya ring nakapag-uwi ng dalawang awards sa pagkilala kay DJ Chacha Babes bilang Best FM Female DJ.
Ang PUP Mabini Media Awards ang pinakamalaking students’ choice award-giving body na naglalayong magbigay-parangal sa mga natatanging media practitioner, network, programa, at istasyon ng radyo na nagsisilbing mga huwaran para sa mga communication student. Sa pagkapanalo nito, tinanggap ng ABS-CBN ang ika-walo nitong Best Station Award mula sa mga student award-giving body.
- Latest