4 itinumba dahil sa droga
MANILA, Philippines – Apat na kalalakihan na sinasabing sangkot sa droga ang napatay sa naganap na magkakahiwalay na pamamaril sa mga lungsod ng Makati, Las Piñas, Caloocan at Navotas City kamakalawa at kahapon.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng unang biktima na nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan.
Ayon sa Las Piñas City Police, naganap ang pamamaril ng motorcycle-riding asassins bandang alas-12:30 ng madaling araw sa Villa Coastal, Lopez, Brgy. Manuyo Uno sa nasabing lungsod.
Narekober sa crime scene ang isang plastic sachet ng shabu habang patuloy naman ang imbestigasyon.
Samantala, napatay din ang 50-anyos na si Edwin Parinas na sinasabing gumagamit ng shabu matapos itong pagbabarilin ng hindi kilalang gunman kahapon ng madaling araw sa Barangay Comembo, Makati City
Bandang alas-2:30 ng hapon nang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang kalalakihan ang 27-anyos na si Ramil Serna malapit sa bahay nito sa Baron Street, Brgy. North Bay Boulevard North sa Navotas City.
Pinabulagtga rin ang 42-anyos na tricycle driver na si Eric Layos ng Tagaytay St., Brgy. 128, Barrio San Jose, Caloocan City matapos itong pagbabarilin ng grupo ng kalalakihang maskarado kahapon ng madaling araw sa panulukan ng Buagan at Cabatuan Street sa nasabing lungsod.
Ayon sa pulisya, narekober sa biktima ang isang plastic sachet ng shabu kung saan ito ay sinasabing nasa drug watchlist.
- Latest