Droga, alak, patalim, bawal sa sementeryo-NCRPO
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si NCRPO Director P/Chief Supt. Oscar Albayalde na bawal ang droga, alak, patalim, armas at iba pa sa mga sementeryo kaugnay ng paggunita sa UNDAS.
Sinabi ni Albayalde na sinuman ang mahuhulihan ng droga, mga nakakamatay na patalim at maging ang alak sa mga sementeryo, maging sa mga bus terminals at iba pang matataong lugar ay ipaaresto niya sa kaniyang mga tauhan.
“ Iyong mga kababayan po natin, pinapa-alalahanan ho natin na bawal magdala ng baril, illegal na droga, mga bladed weapons”, babala ni Albayalde sa mga magtutungo sa mga sementeryo at maging sa mga pampublikong terminal kung hindi nais ng mga kinauukulan na maaresto at maharap sa kasong kriminal.
“Ang mga flammable materials, pinagbabawal din po iyan dahil kanina po merong nakumpiska na parang portable gas stove. Mahigpit pong ipinagbabawal iyan kung ano man pong bagay na pwedeng pumutok sa loob ng bus,” pahayag ni Albayalde.
Nabatid na may mga magrorondang mga pulis sa mga sementeryo upang tiyakin na walang nagdro-droga, mag-iinuman dito, magsusugal at maging ang mga magpapatugtog ng malalakas na stereo na nakakagambala sa mga taimtim na nagdarasal.
Kahapon, maaga pa lamang ay sinimulan na ni Albayalde kasama si Quezon City Police District Director P/Sr. Supt. Guillermo Eleazar ang pagiinspeksyon sa mga bus terminals na sinimulan nito sa Araneta Center, Cubao, Quezon City saka nagtungo sa mga pantalan at maging sa mga sementeryo ay pinagtuunan rin ng panahon. Kapansinpansin naman, ayon sa opisyal na nagsimula na ang exodus ng mga taong magtutungo sa mga probinsiya sa mga bus terminals, daungan, paliparan upang bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.Sinabi ni Albayalde na inaasahan na darami pa ang daragsa sa mga terminals ng mga sakayan ngayong ilang araw na bakasyon bunga ng paggunita sa UNDAS.
Nasa 9, 533 pulis ang ipakakalat ng NCRPO sa mga sementeryo, mga bus terminals, simbahan, LRT, MRT stations, daungan, paliparan at maging sa mga matataong lugar upang tiyakin ang seguridad ng mamamayan sa paggunita sa Todos Los Santos.
Sa 99 sementeryo sa Metro Manila at mga bus terminals nasa mahigit 7,000 pulis na ang idedeploy habang ang iba pa ay itatalaga naman sa beat patrols, police visibility sa iba pang mga matataong lugar gayundin sa mga instalasyon ng gobyerno. Samantalang maglalagay rin ng mga Police Assistance Desks sa entrance ng gate ng mga sementeryo upang umasiste sa mamamayan na magtutungo rito para magalay ng dasal, bulaklak at kandila sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
- Latest