75-anyos na lola, winasak ang internet ng ilang bansa
WINASAK NG isang 75-anyos na lola mula Georgia ang internet ng ilang bansa noong 2011 gamit lamang ang kanyang pala (shovel).
Pinutol ni Hayastan Shakarian ang isang kableng nakabaon sa lupa gamit ang kanyang pala habang siya ay naghahanap ng maibebentang tanso.
Ang hindi alam ni Shakarian, hindi pangkaraniwang kable ang kanyang nadale dahil ito pala ang nagbibigay internet connection para sa milyong-milyong katao sa iba’t ibang mga bansa sa Eastern Europe at Central Asia. Pinagkokonekta kasi ng napinsalang kable ang Georgia at Bulgaria bago ito tumawid sa Black Sea upang pagdugtungin ang mga internet ng Azerbaijan at Armenia.
Sa kabuuan ay tinatayang nasa tatlo at kalahating milyong katao ang naapektuhan sa pagkakapinsala ng kable kabilang na ang buong Armenia na kalahating araw nawalan ng internet.
Hindi naman masabi kung paano napinsala ng ganun na lang ang kable samantalang matibay ang proteksyon nito ayon sa Georgian Railway Telecom.
Wala namang kamuwang-muwang si Shakarian sa pinsalang kanyang naidulot dahil inamin niyang hindi niya alam kung ano ang internet.
Inaresto ang matanda ng mga pulis dahil sa pagputol sa kable ngunit sa huli ay pinalaya rin siya kaagad dahil sa kanyang edad.
- Latest