Kamara ‘iwas pusoy’ sa suspension nina Reps. Espino, Villafuerte
MANILA, Philippines – Umiiwas umano ang liderato ng Kamara de Representantes sa obligasyon nito na ipatupad ang suspension order ng Sandiganbayan laban kay Pangasinan Rep. Amado Espino at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, dapat na agad ipatupad ang suspension order laban kay Espino at Villafuerte dahil direkta naman ang kautusan na ito sa liderato ng Kamara.
Giit ni Lagman kung dadalhin pa sa rules committee tapos ay isasama sa order of business at idadaan sa floor para desisyunan ng lahat ng kongresista kung ipapatupad ang kautusan ng Sandiganbayan ay pag-iwas sa obligasyon ng liderato ng Mababang Kapulungan kaya ipinapasa na lamang sa lahat ng kongresista ang desisyon.
Ang reaksyon nito ay kaugnay sa pahayag ng liderato ng Kamara na pag-uusapan muna nila sa plenaryo kung ipatutupad ang nasabing kautusan.
Nagbabala si Lagman, miyembro ng “Legitimate 8” na kung hindi ipatutupad ang suspension order ay posibleng i-contempt ng Sandiganbayan si House Speaker Pantaleon Alvarez, Majority Leader Rudy Fariñas at mga miyembro ng House rules committee. Ito ay dahil may karapatan umanong magdeklara ng “contempt of court” ang husgado kapag hindi sinusunod ang kanilang kautusan.
Sinuspinde ng Sandiganbayan si Espino dahil sa kasong katiwalian kaugnay sa operasyon ng black sand mining noong siya pa ang gobernador ng Pangasinan habang si Villafuerte ay nakipagkontrata kay Jeffrey Lo ng Naga Express Fuel Zone para sa pagbili sa kumpanya niya ng fuel ng mahigit P5 milyon nang walang public bidding.
- Latest