Pinay woodpushers pinatumba ang Belgium sa Olympiad
MANILA, Philippines – Habang patuloy ang kamalasan ng Philippine men’s team ay wala namang balak sumuko ang women’s squad.
Ito ay matapos gibain ng mga Pinay ang Belgium, 4-0, para tabunan ang 1.5-2.5 kabiguan ng mga Pinoy sa 14th seed Spain sa eight round ng 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
“We’re just proud of what the team is doing and we hope to sustain the form until the end,” sabi ni GM Jayson Gonzales, ang NCFP executive director at coach ng women’s team.
Nagtala ng mga panalo sina WIM Janelle Mae Frayna, WIM Jan Jodilyn Fronda, WIM Catherine Secopito at WFM Shania Mae Mendoza laban kina WFM Hanne Goossens, Wiebke Barbier, Sarah Dierckens at Astrid Barbier, ayon sa pagkakasunod, para mapasama sa eight-team logjam sa 13th spot sa magkakapareho nilang 11 points.
Naipanalo ni Fronda, isang La Salle standout, ang anim sa kanyang walong laro, habang sina Frayna at Secopito ay may tig-5.5 points at napagwagian naman ng 19-anyos na si Mendoza ang tatlo sa kanyang apat na laban.
Makakatapat ng mga Pinay ang 15th seed Mongolia sa ninth round ng 11-round biennial event.
Ito naman ang ikalawang sunod na kamalasan ng Philippine men’s squad na naghulog sa kanila mula sa top 10.
Yumukod sina United States-based GMs Julio Catalino Sadorra at Rogelio Barcenilla, Jr. kina GMs Francisco Vallejo Pons at David Anton Guijarro sa first at third boards.
Naipanalo naman ni GM Eugene Torre kay GM Ivan Salgado Lopez sa second board at nakatulak ng draw si IM Paulo Bersamina kay GM Jose Carlos Ibarra Jerez sa fourth board.
Sunod na makakalaban ng mga Pinoy ang No. 26 Argentina para magkaroon ng tsansang makaakyat sa top 10.
- Latest