EDITORYAL - Balik-EDSA ang UV Express
ISA ang mga UV Express na dahilan kaya matrapik sa EDSA. Pero kahit na nagpapatrapik, pinayagan muli ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makadaan sa EDSA ang mga UV Express. Walang isang salita ang LTFRB gayung naglabas na sila ng Memorandum Circular na nagbabawal sa mga UV Express na dumaan sa EDSA. Noong nakaraang linggo, pinayagan na uli ng LTFRB na makadaan sa EDSA ang mga UV Express at ang resulta, lalo pang sumikip ang trapiko. Gumagapang na naman ang mga sasakyan dahil sa bigat ng trapiko. Patunay lamang na nagdadagdag sa bigat ng trapiko ang mga UV Express.
Sa Memorandum Circular 2016-009 na inisyu ng LTFRB noong Hulyo 28, bawal dumaan ang mga UV Express sa EDSA pero maaaring tumawid dito. Ayon sa LTFRB, ang mga UV Express ay “point-to-point” at walang specific na route para makarating sa kanilang destinations. Maaari silang dumaan sa gusto nilang kalsada at kung saan sila convenient na makakarating nang mabilis. Sinang-ayunan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang kautusan ng LTFRB. Makaraang ibawal ang pagdaan ng mga UV Express sa EDSA, nakaranas ng kaluwagan sa trapiko ang EDSA. Tuluy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan --- mapa-south bound man o north bound.
Marami sa mga drayber ng UV Express ang walang disiplina na nagbababa ng pasahero kung saan nila magustuhan. Halimbawa, sa North EDSA (tapat ng MRT station), wala silang pakundangan kung magbaba ng pasahero. Nagdudulot sila ng trapiko sa lugar. Wala silang pakialam sa dinudulot nilang trapik sa EDSA.
Maraming nagtataka kung bakit biglang lumambot ang LTFRB sa kanilang kautusan. Bakit biglang binawi ang kautusan at muling hinayaang makadaan sa EDSA ang UV Express? Nasaan ang sinasabing pagbabago sa LTFRB?
- Latest