Media na naman ang may kasalanan
MAGKAKASALUNGAT ang naging reaksiyon ng mga senador, kongresista at iba pang sektor sa bansa sa naging maanghang na batikos ni Pres. Rodrigo Duterte laban kay US president Barrack Obama.
May nangangamba na baka maapektuhan ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at US dahil sa inasal ni Duterte na nagmura pa ito at naglabas ng masasakit na salita laban kay Obama.
Ito ang naging dahilan upang ikansela ng White House ang nakatakdang one on one meeting nina Obama at Duterte sa gitna ng idinadaos na ASEAN summit sa Laos.
Bagamat kinansela ng White House ang meeting ni Obama kay Duterte ay malabong magiba naman ang matibay at malalim na relasyon ng Pilipinas at US.
Hindi naman siguro papatulan ng US ang mga sinabing maanghang na salita ni Duterte upang sirain o gibain ang relasyon ng dalawang bansa.
Bagamat sa tingin ko ay tila lumampas sa pamantayan si Duterte nang deretsahan nitong pagtuligsa kay Obama na itinuturing na lider ng makapangyarihang bansa.
Pero ang masaklap sa nasabing pangyayari ay naging sangkalan na naman ang media at ginawang dahilan kung kaya nag-init ang ulo ni Duterte.
Katwiran ng Malacañang, may natanggap daw na media reports Si Duterte na siya ay lelektyuran ni Obama tungkol sa isyu ng human rights.
Ano naman kaya ang masama kung lektyuran o payuhan ni Obama si Duterte at kung totoong mangyari ito, maari namang tumanggi sa maayos na paraan.
Madalas na lang na maipit ang media at ginagawang dahilan o sangkalan para lang sa damage control o makabawi sa mga maling nagawa ng gobyerno.
- Latest