Ang misis na ayaw mag-hanapbuhay
KUNG may mga mister na ayaw pagtrabahuhin ang kanilang misis, mas marami pa rin mister na gustong maging aktibo ang kanilang misis sa kanilang career para magkatulong sila sa pagtataguyod ng pamilya.
May mag-asawang parehong nakatapos ng kolehiyo pero lalaki lamang ang nagtatrabaho. Hindi nagtatrabaho ang babae dahil ayaw niya. Nasa bahay lang siya at piniling maging full time housewife. Tumagal ng 15 taon ang kanilang pagsasama na umaasa lang si Misis sa suweldo ng mister. Kuntento na ito sa pakuya-kuyakoy pagkatapos maglinis ng bahay.
Deep inside, gusto sana ni Mister na magkatuwang sila sa paghahanapbuhay. Una, nanghihinayang siya sa pinag-aralan ni Misis na isang registered nurse. Masarap sanang ipagmalaki sa mga kaibigan niya na ang kanyang misis ay isang independent na babae at masikap sa buhay. Hindi naman mapilit ni Mister na paghanapbuhayin ang asawa at baka masamain ito.
Dumating ang panahong may babaeng naging officemate si Mister na liberated, matalino, masigasig sa trabaho kaya isang taon lang ay na-promote ito. Sa madali’t sabi, ito ang klase ng babaeng pinapangarap niya. Iyon bang, sakaling mauna siyang namatay, hindi magiging kawawa ang kanyang mga anak dahil kayang-kaya nitong itaguyod ang mga anak kahit nag-iisa.
Mabilis silang nagkapalagayang loob ng officemate. Nag-umpisa sa pagsabay sa pagmimiryenda sa canteen hanggang sabay na magpahinga sa motel. “Very convenient” itong babae na maging motel companion dahil hiwalay sa asawa at baog. Walang kasabit-sabit kapag nagkataon. Malaki pa ang suweldo kaya may pagkakataong ito pa ang gumagastos sa kanilang date. Dumating ang pagkakataong nagpasya si Mister na iwanan si Misis na walang kasikap-sikap sa paghahanapbuhay.
Walang magawa si Misis kundi magkumahog ngayon sa paghahanapbuhay. Ahente siya ngayon ng kung anu-ano. Hindi na makapag-aplay sa ospital dahil bukod sa walang experience, siya ay overage na para sa posisyon ng baguhang nurse.
- Latest