23 preso tumakas sa Marawi jail
MANILA, Philippines - Itinaas kahapon sa red alert ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang buong Western Mindanao kasunod ng marahas na raid ng Maute terrorist groups noong Sabado ng gabi sa Marawi City jail nang itakas ang 23 inmates kabilang ang 8 lider ng grupo sa Lanao del Sur.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla kasabay ng kanilang pag-alerto sa mga field units ay puspusan din ang pakikipagkoordinasyon ng AFP troops sa PNP upang tugisin ang mga puganteng teroristang Maute group.
Magugunita noong nakalipas na linggo ay nasakote ng tropa ng militar ang naturang mga lider ng Maute terror groups sa Kapai, Lanao del Sur na naharang sa checkpoint at itinurn-over sa kustodya ng pulisya kaugnay ng kasong kriminal.
Kabilang naman sa mga tinutugis na pugante ay sina Hashim Balawag Maute alyas Apple o Jehad; Abdul Jabbar Macabading, Jamil Amerul, Mohammad Mulok, Omar Khalil at iba pa.
Batay sa ulat, maghahatinggabi ng Sabado nang salakayin ng nasa 50 miyembro ng Maute terrorist group ang Marawi jail at itinakas ang 23 inmates dito kabilang ang mga lider ng kanilang grupo na nakapiit sa nasabing maliit at masikip na piitan.
Nagpanggap umanong magde-deliver ng pagkain para sa mga inmates pero ng buksan ng bantay ang gate ng piitan ay dito na naglabasan ang mga armadong miyembro ng Maute terrorist groups.
Wala namang nagawa ang mga bantay ng piitan dahilan sa higit na nakararami ang mga kalaban na agad silang dinisarmahan, tinutukan ng baril at itinakas ang mga nakapiit nilang kasamahan.
- Latest