EDITORYAL - Inaabuso ang numero ‘8’
ILANG taon na ang nakararaan, isang kolumnista ng Pilipino Star NGAYON ang nagsabi na isang sasakyan na may license plate number “8” ang nakita niyang nakaparada sa harap ng isang sikat na KTV bar sa Quezon City dakong alas siyete ng gabi. Nagkataon daw na nagtungo rin siya sa KTV.
Makalipas pa ang ilang buwan, isinulat muli ng kolumnista na isang sasakyan pa na may plakang numero “8” ang naispatan na papasok sa isang motel sa Pasay City. Hindi na idinetalye ng kolumnista kung sino ang nakasakay sa SUV na may plate number “8’’.
Marami pang insidente ang naireport na sangkot ang mga sasakyang may plate number “8”. Kabilang dito ang paglabag sa trapiko kung saan walang pakundangan kung lumusot sa traffic light kahit dilaw na ang ilaw na lubhang mapanganib sa iba pang motorista. Hindi naman mahabol ng mga traffic enforcers sapagkat natatakot silang sitahin o tiketan si “Congressman”.
Ang mga reklamo sa mga sasakyang may plate number “8” ang nagtulak kay House Speaker Pantaleon Alvarez para i-recall ang mga ito. Isang memorandum ang ipinalabas ni Alvarez na nag-uutos sa lahat ng mambabatas na isauli ang mga plakang numero “8”. Ayon sa memorandum, maraming sasakyan na may numero “8” ang nakikita sa mga di-kanais-nais na lugar o hindi desente. Inaatasan ang lahat ng mambabatas na isauli ang mga plaka sa office ng secretary general.
Tama ang hakbang ni Alvarez na ipasauli sa mga kongresista ang protocol plate. Dapat pa bang magkaroon ng ibang number ang mga plaka ng mga mambabatas na hinalal ng taumbayan. Kaya sila nasa puwesto ay para maglingkod at hindi para idespley o ipagmahambog ang plakang numero “8”. Hindi ba’t nakakahiya na habang nasa kalsada ay nakikita ng taumbayan na kakaiba ang plaka ng taong inihalal nila sa puwesto. Bakit kailangang may pagkakaiba gayung kaya siya nasa puwesto ay inihalal siya ng mamamayan.
Dapat purihin si Alvarez sa ginawa niyang pagbawi sa mga plakang numero “8”. Huwag bigyan ng puwang ang pang-aabuso.
- Latest