Tatlong players ng Letran, isa sa San Beda sinuspinde
MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, pinatawan ng kaukulang parusa ng pamunuan ng NCAA ang mga manlalarong sangkot sa nakaraang kaguluhan sa laro ng season host San Beda at nagdedepensang Let-ran noong Biyernes sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa San Juan Arena.
Tatlong Letran Knights at isang Red Lion ang pinatawan ng suspensyon ng NCAA Management Committee batay sa rekomendasyon ni Commissioner Andy Jao ayon kay ManCom chairman Jose Mari Lacson.
Ang mga nasabing manlalaro na pinatawan ng one-game suspension ay sina Jerrick Balanza, Chris Dela Peña at Marvin Sario ng Letran at Antonio Bonsubre ng San Beda.
Nag-ugat ang nasabing kaguluhan dahil sa paniniko ni Bong Quinto ng Letran kay San Beda rookieJomari Presbitero sa huling pitong segundo ng laro na napanalunan ng Red Lions, 83-71.
Hindi pa nasiyahan, sinundan ito ni Balanza ng muling pagsiko kay Presbitero sa mukha kaya natawagan siya ng flagrant foul na na-upgrade sa disqualifying foul kung kaya ito nasuspinde.
“Balanza, during deadball, hit the face of Presbitero. Sario and Dela Peña entered the court. They did not do anything but obviously it didn’t look well and could exacerbate the situation and the tension,” paliwanag ni Jao.
Nadamay naman sina Dela Peña at Sario dahil sa pagpasok nila sa court mula sa bench nang kasalukuyang may komosyon.
Dahil dito ay hindi sila makakalaro kasama ni Balanza sa laban nila ngayong alas-4 ng hapon kontra sa winless na College of St. Benilde.
Sinuspinde naman si Bonsubre matapos ipitin sa leeg sa pamamagitan ng kanyang braso si Let-ran guard McJour Luib sa kanyang pag-awat.
Hindi naman siya makakalaro sa Huwebes sa laban nila kontra sa Mapua.
Samantala, hangad ng Jose Rizal University na palawigin ang naitalang four-game winning streak sa pagharap sa Emilio Aguinaldo College ngayong alas-2 ng hapon.
Buhat sa 3-5 marka ay nagtala ang Heavy Bom-bers ng apat na dikit na panalo, ang pinakahuli ay kontra sa Pirates, 68-58, noong Biyernes para ma-kasalo sa No. 4 spot ng Cardinals.
Target din ng San Sebastian na palawigin ang kanilang winning streak sa pagharap nila laban sa Lyceum sa unang laro sa alas-12 ng tanghali.
Nagposte ang Stags ng tatlong sunod na panalo kontra sa Perpetual Help, San Beda at Mapua mula sa nasimulang siyam na sunod na kabiguan na bumuhay sa tsansa nilang makausad sa Final Four.
“We more concerned on keeping the winning attitude before we think of anything else like the Final Four,” pahayag ni Stags’ head coach Egay Macaraya. (FMLumba)
- Latest