De Lima ‘pinagtakpan’ ni Sen. Pimentel
Kaya lumala ang droga sa NBP – Sandra Cam
MANILA, Philippines – Dahil sa umano’y pagtatakip kay Senador Leila de Lima ni Senate President Koko Pimentel kaya lumala ang mga illegal na gawain at anomalya sa National Bilibid Prison (NBP) noong panahon na siya pa ang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Whistleblower Association of the Philippines President Sandra Cam, noon pa man ay “open secret” na umano ang anomalya sa NBP na kinasasangkutan ng driver-bodyguard ng Senadora na si Ronnie Dayan subalit hindi siya pinayagan ni Pimentel na ibunyag ito.
Magugunita na tinangkang harangin ni Cam ang “confirmation” noon ni de Lima sa Commission on Appointments (CA) sa pamamagitan ng paghahain ng salaysay na nagsasaad ng relasyon nito kay Dayan, ang pagkaroon nito ng sex video scandal at ang paglaganap ng illegal na droga sa loob ng national penitentiary subalit hindi umano pinagbigyan ni Pimentel na isiwalat ito sa Senado.
Kaya iginiit ni Cam kung pinayagan lamang siya ni Pimentel na tumestigo ay hindi na sana lumawak pa ang operasyon ng illegal na droga sa Bilibid at matagal na ding naneutralize ang labas-pasok na operasyon ni Dayan sa piitan.
“Dati pa, we want to prove it, yong anomalya sa NBP na may kinalaman si Dayan noong Secretary pa si de Lima ng DOJ pero hindi kami pinakinggan ni Sen. Pimentel, nakapagtataka na hindi man lamang nya kami ipinatawag bilang humaharang sa confirmation ni de Lima, eh di sana noon pa nalaman na ang korupsyon sa NBP,” paninisi pa ni Cam kay Pimentel.
Sa kabila nito, umaasa si Cam na ngayong Senate President na si Pimentel na kaalyado ng Duterte administrasyon, hindi na nito ipagtatanggol si de Lima at sa halip ay aayon na siya sa katotohanan.
Nilinaw ni Cam na hindi personalan ang pag-atake niya kay de Lima, kundi bilang babae ay ayaw niya itong gawin lalo pa at magkababayan sila ng senadora. Pero napipilitan umano siyang gawin ito dahil ginagamit ni Dayan ang relasyon nito kay de Lima para malayang makapag-operate ng illegal na droga.
Bukod dito, dahil alam naman umano ng mga taga DOJ ang relasyon ni de Lima kay Dayan ay malaki rin ang impluwensya nito. Patunay umano dito na ang mga hindi direktang nakalalapit sa dating kalihim ng DOJ ay dumadaan kay Dayan at siya rin ang naglo-lobby sa promosyon ng ilang ahente ng NBI at prosecutor sa DOJ.
Tiniyak ni Cam na handa siyang makipagtulungan kay Pangulong Duterte kung bibigyan siya nito ng pagkakataon kaugnay sa lahat ng kanyang nalalaman laban sa senadora.
- Latest