Ang mga alaga kong pusa
NAGSIMULA sa tatlong pusa ang aming inampon noong isang taon. Sa tatlo, isa ang lalaki at dalawa ang babae. Ang dating tatlo, naging siyam na ngayon. Noong una ay okey lang pero nang tumagal ay nakakapikon na. Mga perwisyo na. Ang mga bagong biling halaman ay isa-isang namatay dahil doon natataypan tumae at umihi. Minsan nahuli kong nginangata ang mga dahon.
Makukulit ang bagong anak na kuting. Sila ang ngumangatngat ng mga dahon at walang pakundangan tumatae kahit saan. Binalak naming ilagay sa kahon at iwanan sa kung saan. Pero naisip kong ikakapahamak namin iyon.
Sa panahon ngayon, na sanggol lang ang walang kakayahang mag-video sa cell phone, samahan pa ng mga “purikas” na mga netizens, aba, para kaming kumuha ng batong ipupukpok sa aming ulo. Nai-imagine ko: Ipo-post ang video sa social media na nagtatapon kami ng kuting kaya katakot-takot na mura ang aming aabutin.
Ano ba ang ibig sabihin ng “purikas”? Ito ang tawag sa inuugali ng mga bashers sa social media. ‘Yung sila lang ang kapuri-puri at walang binatbat ang ibang tao sa kanyang paligid.
Isang umaga, bumulaga sa amin ang bangkay ng napakalaking daga sa loob ng aming bakuran. Kahit ang mister ko na hindi naman madirihin ay nangilabot sa nabungaran. Habang nililinis ng aking mister ang pinagtanggalan ng patay na daga, parang lumambot na naman ang aking puso para sa aming mga alagang pusa. Matitiis ko ang baho ng dumi at kakulitan ng mga kuting pero hindi ang malaking takot ko sa daga.
- Latest