Jalalon nagpaparamdam na
MANILA, Philippines – Pumupuwesto na sa unahan ng Most Valuable Player race si Jio Jalalon ng Arellano University matapos ang dalawang impresibong larong ipinamalas sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament.
Matapos ang dalawang laro, si Jalalon ang nangunguna sa scoring, assists at steals kung saan mayroon itong average na 28 puntos, pitong assists at limang steals kasama pa ang anim na rebounds.
Mataas ang porsiyento ni Jalalon na may 50 percent field-goal shooting at 80 percent sa free throw line upang tulungan ang Chiefs na manatiling malinis ang rekord nito kasama ang Mapua Institute of Technology at San Beda College.
Dahil sa kanyang magandang laro, itinanghal bilang unang ACCEL Quantum Plus-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week si Jalalon sa season na ito.
“He’s our MVP,” wika ni Arellano coach Jerry Codiñera patungkol kay Jalalon.
Naungusan ni Jalalon sa naturang parangal si reigning MVP Allwell Oraeme ng Mapua na may average na 20.5 points (third best), 19.5 boards (first) at tatlong blocks (second) gayundin si Emilio Aguinaldo College standout Hamadou Laminou na may average na 19.5 points (fifth), 15.5 caroms (second) at 3.5 blocks (first).
- Latest