Patubig sa mga magsasaka gagawing unli, libre
MANILA, Philippines – Nadagdagan kahapon ang mga senador na nais gawing libre at unlimited ang patubig para sa mga magsasaka.
Sa panukalang batas na inihain ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, nais nitong isama ang pondo ng serbisyo para sa libreng patubig sa pambansang gastusin na isinasabatas ng Kongreso taon-taon. Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill 43 na tatawaging “Free Irrigation Services Act” kapag naging ganap na batas.
Ayon kay Lacson, nararapat lamang na ilibre na ang mga magsasaka sa pagbabayad sa mga serbisyo ng patubig dahil kung anu-anong problema na ang inabot ng karamihan sa kanila tulad ng El Niño phenomenon na tumama sa malaking bahagi ng bansa.
Sinabi ni Lacson, marapat lamang na ang gobyerno ang magbigay ng subsidies sa mga magsasaka at mga irrigators associations at cooperatives para matiyak na magtatagumpay ang grassroots-based management ng mga irrigation systems.
Sa ilalim ng panukala ni Lacson, mula sa pagpapatayo hanggang sa pagmantini at pag-aayos ng mga patubig na pinapangasiwaan ng pamahalaan, ang mga pondong gagamitin ay nakapaloob sa pambansang gastusin upang hindi na maperwisyo ang mga magsasaka.
Ang libreng patubig para sa mga magsasaka ay isinulong rin nina Senators Grace Poe at Francis “Chiz” Escudero noong sila’y nangampanya para sa dalawang pinakamataas na posisyon ng bansa.
- Latest