2016 Canadian Pool Championships korona sinargo ni Pagulayan
MANILA, Philippines - Natumbok ni Filipino-Canadian Alex Pagulayan ang kampeonato sa 9-Ball event ng 2016 Canadian Pool Championships na ginanap sa Le Tapis Vert Ste-Foy sa Quebec City.
Solido ang inilatag na laro ng dating WPA World 9-Ball Championship winners na si Pagulayan nang patumbahin nito si John Morra ng Canada sa bendisyon ng 15-6 panalo.
Napasakamay ni Pagulayan ang $2,100 premyo habang nagkasya sa $1,600 konsolasyon si Morra.
Malinis na tinapos ni Pagulayan ang kanyang kampanya nang magtala ito ng anim na sunod na panalo kabilang ang kanyang 9-5 pananaig kay Alain Martel sa semifinals ng torneong nagpatupad ng double-elimination format.
Kabilang sa mga pinatumba ni Pagulayan sa eliminasyon sina Morra (9-4), Jeff Balis (9-6), Danny Hewit (9-2) at Sylvain Grenier (9-4).
Nakabalik naman sa porma si Morra nang magtala ito ng panalo sa losers’ bracket laban kina Mario Morra (9-4), Hewit (9-2) at Martel (9-3) para muling makaharap si Pagulayan sa finals.
Bigo naman si Pagulayan na maipagpatuloy ang kanyang dominasyon nang pumangalawa lamang ito sa 8-Ball at 10-Ball categories.
Nagkasya si Pagulayan sa runner-up trophy sa 8-Ball category matapos lumasap ng nakapanlulumong 10-11 makapigil-hiningang kabiguan sa kamay ni Canadian Jason Klatt sa finals.
Nairehistro muna ni Pagulayan ng panalo kina Grenier (9-5), Kevin McGee (9-0), Andrey Variat (9-1) at Luc Salvas (9-0) bago yumuko kay Klatt (5-9) dahilan upang mahulog ito sa one-loss side.
Rumesbak si Pagulayan sa losers’ column nang pataubin nito sina Guillaume McNicoll (9-4), Morra (9-3) at Francis Crevier (9-5) upang masiguro ang tiket sa finals laban kay Klatt.
Gayunpaman, nagbulsa si Pagulayan ng $1,300 runner-up prize habang napasakamay ni Klatt ang $1,800 top purse.
Sa 10-Ball, nakabawi si Morra nang itarak nito ang impresibong 13-3 panalo laban kay Pagulayan sa kanilang championship showdown.
Tanging $850 premyo lamang ang nakuha ni Pagulayan samantalang may $1,100 naman si Morra.
- Latest