Perfect 10 sa Cavs Raptors giba sa triple-double ni James
CLEVELAND-- Hindi pa rin mapigilan ang Cavaliers sa postseason.
Humataw si LeBron James ng triple-double at itinala ng Cleveland ang 10-0 record sa playoffs sa pamamagitan ng 108-89 panalo laban sa Toronto Raptors sa Game 2 ng Eastern Conference finals.
Nagtala si James ng 23 points, 11 rebounds at 11 assists para sa Cavs, naging ikaapat na koponang sinimulan ang postseason na may 10 sunod na panalo.
Naka-grupo nila ang Los Angeles Lakers (1989, 2001) at San Antonio Spurs (2012).
Nilampasan ni James si Shaquille O’Neal sa fourth place sa career postseason scoring list at itinala ang kanyang ika-15 playoff triple-double.
Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Cavs para sa kanilang pangalawang sunod na NBA Finals at wakasan ang 52-year sports championship drought ng Cleveland.
Umiskor si Kyrie Irving ng 26 points, habang may 19 si Kevin Love para sa Cleveland, winalis ang Detroit at Atlanta sa first at second round.
Tinalo nila ang Toronto ng pinagsamang 50 points sa Games 1 at 2 sa kanilang serye.
“I don’t think it feels like a streak,” sabi ni James. “It feels like we won one game, we won the next game. We’ve taken one step at a time. We’ve tried to take care of business.”
Nauna nang dinurog ng Cavs ang Raptors ng 31 points sa Game 1.
Ang Game 3 ay nakatakda sa Sabado sa Toronto kung saan umaasa si Raptors All-Star guard Kyle Lowry na makakakonekta siya sa ring ng Air Canada Centre kumpara sa Quicken Loans Arena.
Tumapos si Lowry na may 10 points mula sa masamang 8 of 28 shooting.
Tumipa naman si DeMar DeRozan ng 22 para sa Raptors.
- Latest