Ayaw nang patagalin pa ng Rain Or Shine
MANILA, Philippines - Alam ni coach Yeng Guiao ang nangyari sa nakaraang championship series ng Alaska at San Miguel para sa 2016 PBA Philippine Cup.
Matapos iposte ng Aces ang malaking 3-0 bentahe ay winalis ng Beermen ang sumunod na apat na laro para manalo sa kanilang best-of-seven titular showdown at angkinin ang korona.
Dahil dito ay ang San Miguel lamang ang koponang nakabangon buhat sa 0-3 pagkakabaon para ipanalo ang serye.
“We have one foot ahead,” wika ni Guiao sa kanyang Elasto Painters.
“San Miguel was down 0-3 but still won the championship. That’s what gonna be on our minds. Mental focus and being able to execute our game plan.”
Hawak ang 3-0 kalamangan sa kanilang serye, pipilitin ng Rain or Shine na tuluyan nang walisin ang Alaska nga-yong alas-7 ng gabi sa Game Four ng 2016 PBA Commissioner’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Puntirya ng Elasto Painters ang kanilang ikalawang PBA crown matapos magkampeon noong 2012 PBA Governor’s Cup sa tulong ni import Jamelle Cornley.
Kinuha ng Asian Coating franchise ang 3-0 bentahe sa serye nang talunin ang Aces, 112-108, sa Game Three noong Miyerkules.
Nangako ang mga players ng Rain or Shine na ibibigay kay Guiao ang PBA Commissioner’s Cup crown makaraang matalo ang huli sa nakaraang eleksyon.
“Wala naman sa akin ‘yun,” sabi ni Guiao, na-bigo sa kanyang reelection bid para sa Congressional seat sa 1st District ng Pampanga. “It’s not part of my consciousness now that I’m here.”
Kung may Game Five gagawin ito sa Linggo. (RCadayona)
- Latest