^

Punto Mo

Carabao Man (9)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

MABILIS na pinatakbo ni Johnpaul ang kalabaw. Sanay na sanay na ang kalabaw niya sa takbuhan kaya balewala ang limang kilometro layo patungo sa bayan. Matagal na niyang alaga ang kalabaw na ito kaya wala siyang problema. Naturuan na niya itong lumuhod at gumulung-gumulong sa lupa.

Habang patungo sa bayan ay iniisip niya ang baklang si Dang at ang kasamang si Tasya. Ano kayang trabaho ng dalawa at nakaabot sa ganito kaliblib na lugar. Halatang bago sa lugar na ito ang dalawa. Mabuti na lamang at siya ang nahingian ng tulong. Kung hindi baka lokohin lamang sila. Marami na ring manloloko rito na sasamantalahin ang pagkakataon. Kapag nalamang bago sa lugar, o taga-Maynila, baka pagnakawan o hingian ng pera.

Kung magsasamantala lamang siya, madali niyang magagawa. Itatakbo niya ang perang pambili ng battery ng kotse. Five thousand pesos ang ibinigay sa kanya. Malaking halaga na iyon para makakain sila nang maayos. Lalo pa ngayon na kapos sila sa pera dahil bumibili ng gamot para sa kanyang itay na may sugat sa paa. Kailangan din ng pera ng kanyang bunsong kapatid na nag-aaral. Kung walanghiya siya, hindi na niya babalikan ang dalawa. Bahala silang mapanghal sa paghihintay. Bahalang mamuti ang mga mata.

Pero hindi siya manloloko. Kahit ganito kahirap ang buhay sa liblib, ipinamulat sa kanya ng mga magulang ang kabutihan. Huwag gagawa ng masama sapagkat ang anumang masamang ginawa sa kapwa ay babalik din at baka sobra-sobra pa. Pagbabayaran ang lahat nang masamang gagawin sa kapwa. Dapat pawang kabutihan ang gagawin at kabutihan din ang babalik. Iyon ang lagi niyang ginagawang patnubay.

Isang oras lang ang pag­lalakbay niya at narating ang bayan. Kabisado niya ang bilihan ng battery sapagkat noong high school siya ay naisama siya ng kanyang guro. Bumili sila ng battery at nalaman din niya ang pagkakabit nito. Madali siyang matuto.

Nasa P4,000 ang halaga ng battery. May natira pang P1,000.

Mabilis siyang bumalik sa naghihintay na sina Dang at Tasya. Kalahating oras lang siyang naglakbay dahil mabilis niyang pinatakbo ang kalabaw.

Hangang-hanga si Dang at Tasya nang dumating si Johnpaul. Napakabilis nito. Hindi sila nainip.

“Eto na po ang battery,” sabi niya kay Dang at Tasya.

“Ang bilis mo naman, JP.’’

“Mabilis pong tumakbo itong kalabaw ko.’’

“Teka, JP, marunong ka bang magkabit n’yan?’’

“Madali lang pong ikabit ito.’’

“Talaga? Marunong ka?’’

“Opo.’’

“Sige JP, ikabit mo na.’’

Bumaba sa kalabaw si JP. Binuksan nito hood ng kotse. Hiningi kay Tasya ang mga gamit para maalis ang lumang battery. Nang ibigay ni Tasya ang mga gamit, tinanggal niya ang lumang battery at ikinabit ang bago. Habang ginagawa niya iyon ay pinipiktyuran siya ni Dang.

Madali lang natapos ang pagkakabit.

“Paandarin mo na,” sabi niya kay Tasya.

Agad pinaandar.

Successful!

“Ang galing mo JP! Ha-nga ako.’’

“Salamat po. E siyanga pala eto po ang natirang P1,000.’’

“Sa iyo na ‘yan. At bibigyan pa kita ng another P1,000.’’

“Salamat po. Malaking tulong ito!’’

Nagsalita si Tasya.

“Yung mga delata natin, ibigay na natin sa kanya, Dang.’’

“Oo ibigay mo na.’’

“Salamat po sa inyo.’’

“Salamat din JP alyas Carabao Man.’’

(Itutuloy)

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with