NDRRMC umalerto sa bagyo
MANILA, Philippines – Inalerto na kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga disaster officials nito sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Nona partikular na sa Bicol Region at ilang bahagi ng Visayas Region.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Alexander Pama, inatasan na niya si Office of Civil Defense (OCD) Region V Director Raffy Alejandro na 24/7 na umalerto at imonitor ang galaw ng bagyong Nona.
Ito ay matapos na pumasok na sa Philippine Area of Responsibility si Nona (may international name na Melor) na inaasahang magdudulot ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Bicol Region .
Kasabay nito, nanawagan rin ang mga opisyal ng panalangin upang hindi na lumakas pa ang bagyo partikular na ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa weather bulletin ng PAGASA, posibleng ilagay sa storm alert number 1 ngayong araw ang buong Bicol Region, lalawigan ng Samar sa Eastern Visayas matapos na bahagyang bumagal ang galaw ng bagyo ay nanatili pa rin ang lakas nito habang tinatahak ang nasabing mga lugar.
Si Nona ay namataan dakong alas-11 ng umaga nitong Sabado sa layong nasa 1,025 kilometro sa silangan ng Maasin City, Leyte na may taglay ng lakas ng hanging 65 kilometro bawat oras at bilis na 80 KPH patungo sa kanlurang hilaga sa bilis na 17 KPH.
Inaasahan namang nasa 605 kilometo sa silangan ng Borongan City, Eastern Samar sa linggo ng umaga , 350 kilometro naman sa silangan ng Sorsogon City, Sorsogon sa Lunes ng umaga; nasa Virac, Catanduanes sa Martes at tinatayang nasa 55 kilometro sa hilagang silangan ng Calapan City, Oriental Mindoro sa Miyerkules.
Inaasahang ang bagyo ay magdudulot ng 100 kilometrong diyametro ng mga malalakas na pagulan na posibleng magdulot ng flashfloods, landslide sa mga mababang lugar at maging sa mga paanan ng kabundukan.
Kaugnay nito, inihayag naman ni AFP Public Affairs Chief, Col Noel Detoyato na nakaalerto na rin ang Army’s 9th Infantry Division (ID) sa Bicol Region at maging ang Army’s 8th Infantry Division “Stormtroopers ) sa Samar upang tumulong sa humanitarian disaster relief operations sa mga residenteng maapektuhan ng bagyo.
Umapela rin ang Malacañang sa mga residenteng daraanan ng Bagyong Nona na maging alerto bagaman at hindi naman umano kailangang magpanic dahil nakahanda ang mga tutulong na ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, maging si Pangulong Aquino ay nakaantabay at tumatanggap ng update tungkol sa bagyo.
Ayon kay Valte, nakalatag na naman ang mga protocol o mga dapat gawin kapag nagdeklara na ng signal tungkol sa bagyo.
- Latest