Pacquiao-Bradley na kaya?
MANILA, Philippines - Si welterweight titleholder Timothy Bradley Jr. ang sinasabing pipiliin ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao para maging pinakahuli niyang laban bago tuluyang magretiro.
Ngunit may agam-agam si Bradley na muling labanan si Pacquiao sa pangatlong pagkakataon.
Ayon kay Bradley, gusto niyang subukan si dating welterweight king Miguel Cotto ng Puerto Rico.
“I’ve faced Pacquiao twice and if I do it a third time it would be a fight of reckoning if anything else,” sabi ni Bradley. “It’s the only way I could describe it. However, Miguel Cotto will be something new.”
Nakatakdang pangalanan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang makakasagupa ni Pacquiao matapos ang salpukan nina Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. at Cesar Juarez ngayon sa Puerto Rico.
Si Bradley ay tatayong analyst sa naturang laban nina Donaire at Juarez.
Dalawang beses nagharap sina Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) at Bradley (33-1-1, 13 KOs).
Bukod kay Bradley, ang isa pang ikinukunsidera para makatapat ni ‘Pacman’ sa Abril 9, 2016 ay si world light welterweight titlist at 2014 Fighter of the Year Terence Crawford (27-0-0, 19 KOs), habang hahamunin na lamang ni welterweight contender Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) si IBF welterweight champion Kell Brook.
Tinalo ni Bradley si Pacquiao sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision noong 2012 para agawin ang World Boxing Organization welterweight belt bago siya binalikan ni Pacquiao via unanimous decision sa kanilang rematch noong 2014.
Nanggaling si Pacquiao sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2 habang pinigil ni Bradley sa ninth-round si Brandon Rios noong Nobyembre 7.
Kesa maitakda ang kanilang ‘trilogy’ ni Pacquiao ay mas gusto ni Bradley na sagupain si Cotto.
- Latest