Salpukan ng 2 kotse: 3 sugatan
MANILA, Philippines – Tatlo katao ang nasugatan makaraang magsalpukan ang dalawang kotse sa kahabaan ng EDSA north bound sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni SPO2 Ronquillo Maaño ng Quezon City Police District-Traffic Sector 6, ang mga sugatan ay nakilalang sina Niño Melchor Venturina, 20, estudyante, driver ng Mitsubishi Lancer (UMS-744); at sakay nitong si Trinilisa Chua, 20, estudyante kapwa residente ng Caloocan City; at Dea Joy Briones, 31 ng Valenzuela City at sakay ng Honda City na may conduction sticker na DR-3402.
Ayon kay SPO2 Maaño, nangyari ang insidente pasado alas -2 ng madaling araw.
Diumano kapwa binabaybay ng Honda City na minamaneho ni Jeffrey Beltran, 31, sakay si Briones at Mitsubishi Lancer na minamaneho naman ni Venturina sakay si Chua, ang nasabing lugar galing ng southbound papuntang Monumento nang magsalpukan ang mga ito.
Sa lakas ng pagkakabangga, halos madurog ang unahang bahagi ng Honda City dahilan para maipit ang mga sakay nito at magtamo ng injuries sa kanilang katawan. Habang galos naman ang natamo ng biktimang si Briones.
Sabi naman ng mga nakasaksing tambay sa lugar, nakita anya nilang mabilis ang takbo ng Lancer kung kaya nang magpreno ito ay nagpa-ikot ikot pa bago tuluyang tumama sa likurang bahagi ng Honda City.
Agad namang dumating sa lugar ang rescue team mula sa city hall at isinugod ang mga sugatang biktima sa Capitol Medical Center para malapatan ng lunas.
Patuloy ang imbestigasyon ng TS6 sa nasabing insidente.
- Latest