Tamang suweldo sa workers sa panahon ng APEC
Marami sa mga kababayan nating manggagawa ang nagkaroon ng mahabang bakasyon sa panahon ng pagdaraos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit dito sa ating bansa. Ito ay naging panahon ng marami upang makapagpahinga mula sa kanilang trabaho at makasama at maka-bonding ang kanilang pamilya.
Matatandaan na idineklara ng Palasyo na special non-working days ang Nobyembre 18 at 19 sa buong National Capital Region (NCR) dahil sa makasaysayang pagsasama-sama ng mga pinuno ng iba’t ibang bansa at maimpluwensyang delegado sa Pilipinas.
Gayunpaman, marami rin sa ating mga kababayan ang hindi nakapagbakasyon at tuloy sa kanilang pang-araw-araw na trabaho, marami ay nakipagbuno sa init, siksikan at napakabagal na usad ng trapiko.
Kaya ipinaalala ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada sa employers ang pagbibigay sa mga manggagawa, lalo na ang nasa pribadong sektor, ng sapat at tamang pasuweldo, alinsunod sa batas.
Sa abiso na ipinalabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) kamakailan para gabayan ang employers hinggil sa tamang pasahod para sa Nob. 18-19, sinabi nito na kung ang manggagawa ay nagtrabaho sa naturang mga araw siya ay tatanggap ng dagdag na 30% sa kanyang arawang suweldo para sa unang 8 oras na trabaho. Kung ang manggagawa naman ay nag-overtime sa nasabing mga petsa, may dagdag pa itong 30% depende sa haba ng oras ng kanyang overtime.
Kung ito naman ay nagtrabaho sa nasabing mga araw na nagkataong pumatak sa kanyang araw ng pahinga (rest day), siya ay tatanggap ng dagdag na 50% ng kanyang arawang suweldo para sa unang 8 oras na trabaho. May kaukulang dagdag na benepisyo rin kung siya ay nag-overtime.
No-work, no pay naman ang iiral sakaling hindi siya nakapag-report sa trabaho, maliban na lamang kung mayroong mas mainan na kasunduan ang mga manggagawa at employers sa ilalim ng kanilang collective bargaining agreement (CBA).
Samantala sa isa pang paalala, inilabas ng DOLE ang gabay naman para sa mga private school employees kaugnay sa pagdedeklara ng suspension ng klase noong Nobyembre 17 at 20 sa NCR. Para sa teaching at non-teaching personnel sa private schools, kung ito ay nag-trabaho sa naturang petsa, tatanggapin niya ang ang kanyang buong suweldo para sa araw na iyon. Kung hindi naman siya nagtrabaho ay maaari niyang gamitin ang kanyang leave credits upang makapatanggap ng suweldo sa araw na iyon.
- Latest