Diaz may laban sa gold sa IWF World Championships
MANILA, Philippines – Kung pagbabasehan ang rankings ng mga kasali, masasabing may laban sa medalya si Hidilyn Diaz sa gaganaping 2015 IWF World Championships sa Houston, USA mula Nobyembre 20 hanggang 29.
Sa women’s 53-kilogram division kakampanya si Diaz at base sa gagawing buhat sa torneo, siya ay ranked number two kasama nina Li Yajun at Xiaoting Chen ng China sa 220-kg entry weight.
Ang lumalabas na top bet sa dibisyon ay si 2012 London Olympics silver medalist Hsu Shu-chin ng Chinese Taipei ay may 225kg entry.
Sa category 1 lalaban si Diaz at ang mananalo ng mga medalya sa dibisyon ay makakakuha na rin ng puwesto sa 2016 Rio Olympics.
Makakasama niya si Nestor Colonia na lalaro sa men’s 56-kg category at siya ay number four sa entry kahanay si Yang Chin-yi ng Taipei sa planong buhatin na 280kg.
“May isang chance pa actually dahil qualifying din ang Asian Championship next year. Pero pipilitin talaga namin ni Hidilyn na makuha ang Olympic slot dito sa World Championships,” wika ni Philippine Weightlifting Association (PWA) vice president Elbert Atilano Sr.
Ibinuhos na ang preparasyon para sa two-time Olympian na si Diaz dahil sumuporta rin ang POC at PSC at natutukan ang kanyang pagkain bukod pa sa pagkakaroon ng medical team, kasama ang psychologist, para makumpleto ang paghahanda mula pisikal hanggang aspetong mental.
- Latest