Bazemore nagbida sa panalo ng Hawks
ATLANTA – Mula sa malamyang panimula ay tinapos ng Atlanta Hawks ang laro sa isang malaking atake.
Humugot si Kent Bazemore ng 16 sa kanyang career-high na 25 points sa second half para tulungan ang Hawks sa 114-99 paggiba sa Washington Wizards at kunin ang kanilang pang-pitong panalo.
Nagdagdag si Paul Millsap ng 21 points, 7 rebounds at 6 assists para sa Atlanta, habang nag-ambag si Al Horford ng 14 points at may 10 markers si guard Jeff Teague bukod pa sa kanyang 8 assists at 5 steals.
Matapos umiskor ng 41 points sa first half ay kumamada ang Hawks ng 73 markers sa second half tampok ang pinakawalang 24-7 ratsada.
Ibinigay ng Wizards ang 33 points sa Hawks mula sa kanilang season-high na 26 turnovers.
Sa Sacramento, tumipa si Stephen Curry ng 21 sa kanyang 24 points sa second half para igiya ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 103-94 panalo laban sa Kings.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 18 points kasunod ang 14 ni Andre Iguodala at 13 ni Harrison Barnes para sa 7-0 record ng Warriors.
Sa Los Angeles, nagposte si James Harden ng season-high na 46 points para ihatid ang Houston Rockets sa 109-105 paggupo sa Los Angeles Clippers.
Nagsalpak si Harden ng 13-of-14 free throws at kumamada ng 5-of-10 clip sa 3-point range.
- Latest