Chemistry ang habol ng Gilas sa mini tourney
MANILA, Philippines – Magtutungo ang Gilas Pilipinas sa Estonia sa Russia para sumabak sa isang pocket tournament.
Ngunit nilinaw ni coach Tab Baldwin na ang misyon nila sa Estonia ay hindi para manalo kundi para makabuo ng chemistry ang Nationals.
“At this stage, we need our mind more than our heart. And that might mean we might not play our best, but I’m okay with that for as long as we improve and grow,” wika ni Baldwin.
Ang kompetisyon sa Estonia ay bahagi ng paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa darating na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China.
“These games in Estonia might not be very pretty, but the big thing for me is to make progress,” sabi ni Baldwin.
Mas mababa sa ranggo ng Pilipinas ang Estonia, Iceland at Netherlands sa FIBA World Ranking ngunit inaasahang mahihirapan ang Gilas dahil sa laki at lapad ng mga players ng tatlong bansa.
Ibinasura kamakailan ng Gilas Pilipinas ang pagkakaroon sana ng training camp sa Turkey.
Nag-ensayo sa huling pagkakataon kahapon ng umaga ang Gilas Pilipinas training pool bago mag-impake ng kanilang mga maleta sa pagbiyahe sa Estonia.
Kung makukuha nila ang kanilang mga Schengen visas mula sa Norway embassy ngayong araw ay tatlong araw silang magsasanay sa Baltic republic west ng Russia bago simulan ang pocket competition laban sa tatlong European teams.
Wala namang katiyakan na makakakuha sina Calvin Abueva at Terrence Romeo ng visa para makasabay sa grupo.
Sina Abueva at Romeo ay nag-apply lamang ng kanilang mga visa noong Biyernes ng hapon.
Ni-renew ni Abueva ang kanyang passport, habang kalalabas lamang ni Romeo mula sa ospital bunga ng viral infection.
May walong laro sa Jones Cup at tatlo sa MVP Cup laban sa Jordan, Chinese Taipei at Wellington Saints ng New Zealand, magkakaroon ang Gilas Pilipinas ng kabuuang 14 matches bilang preparasyon sa Asian meet na magsisilbing regional qualifier para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Jainero, Brazil.
Sina naturalized player Andray Blatche, Asi Taulava, Sonny Thoss, Aldrech Ramos, Dondon Hontiveros, JC Intal, Gary David, Jayson Castro, Matt Ganuelas-Rosser, Gabe Norwood, Jimmy Alapag, Troy Rosario, Abueva, Romeo at practice player Moala Tautuaa ang bumubuo sa Nationals.
Sina Blatche, De Ocampo, David, Castro, Norwood at Alapag ang tanging natira mula sa Gilas Pilipinas team na kumampanya sa FIBA World Cup sa Spain noong 2014.
Aminado si Baldwin na gahol na sa paghahanda ang training pool.
“I know what’s going to happen when they put their uniforms on. They’re going to stretch themselves out and play full steam ahead, but actually I’m going to want to rein them in a little bit, because we want to be efficient,” sabi ni Baldwin.
- Latest