Warriors vs Cavs sa Pasko
MANILA, Philippines - Makakasagupa ng Golden State Warriors si LeBron James at ang Cleveland Cavaliers sa isang NBA Finals rematch sa Araw ng Pasko.
Inilabas ng NBA ang kanilang schedule na isang player-friendly model base sa direktiba ni Commissioner Adam Silver para sa karagdagang pahinga sa mga players.
Binawasan ni Silver ang laro ng mga koponan ng isa mula sa dating apat na beses sa limang araw.
Tinawag ito ni NBA senior vice president of operations Kiki VanDeWeghe na pinakamagandang schedule na kanyang nakita dahil nais ng liga na makapagpahinga ang mga players at makarekober para makapaglaro ng maganda sa bawat game.
Magsisimula ang NBA season sa Oct. 27 na may tatlong tampok na laro kabilang ang banggaan ng Warriors at New Orleans na kanilang sinibak sa first round bago kinuha ng Pelicans si coach Alvin Gentry na isa sa mga assistant ni Steve Kerr sa nakaraang season.
Lalabanan ng Chicago Bulls ang Cavaliers sa kanilang unang laro sa ilalim ni coach Fred Hoiberg na pumalit kay Tom Thibodeau.
Halos lahat ng koponan ay may laro sa Oct. 28, kasama dito ang San Antonio Spurs na ipaparada sina LaMarcus Aldridge at David West kontra sa Oklahoma City Thunder na muling babanderahan ni Kevin Durant mula sa injury.
Maghaharap naman ang top two picks noong June draft sa pagtatapat nina No. 1 Karl-Anthony Towns ng Minnesota Timberwolves at No. 2 pick D’Angelo Russell ng Los Angeles Lakers na magiging back up ni Kobe Bryant.
Limang laro ang itinakda sa Araw ng Pasko kung saan nasa gitna ang NBA Finals rematch ng Warriors at Cavaliers.
Lalabanan naman ng Miami Heat ang Pelicans habang bibisita ang Bulls sa Thunder at makakatapat ng Houston Rockets ang Spurs at sasagupain ng Lakers ang Clippers sa kanilang Staples Center rivalry.
Hindi maglalaro ang New York Knicks, nagmula sa 17-65 season, sa Araw ng Pasko sa unang pagkakataon sapul noong 2008.
- Latest