Bahadoran ‘di padadala sa pressure vs Uzbeks
MANILA, Philippines – Positibong hinaharap ni Misagh Bahadoran ang pressure dala ng nalalapit na laban ng Azkals at Uzbekistan sa susunod na buwan.
Si Bahadoran ay umiskor sa dalawang naunang laro ng Azkals laban sa Bahrain at Yemen sa idinadaos na 2018 World Cup qualifiers.
Dala ng mga nasabing tagumpay, ang Pilipinas at North Korea ay may tig-anim na puntos sa Group H ngunit nasa ikalawang puwesto ang Azkals dahil mas mataas ang naiskor ng North Koreans sa dalawang naunang laro (5-4).
“There is pressure and the expectation (on me) is high,” wika ni Bahadoran. “I have to prepared, physically and mentally. I have to be disciplined,”
Para maabot ang gustong kondisyon ay hindi na naghahanap ng iba pang mapagkakaabalahan ang Fil-Iranian booter na ipinanganak sa Pampanga.
Kahit ang magkaroon ng love life ay hindi muna pinag-iintindi ni Bahadoran at mas gustong umuwi ng maaga kapag walang pagsasanay o mga gawain bilang isang negosyante upang maipahinga ang pagod na katawan.
“I don’t go out with friends. I don’t have a night life. I just want to focus on my football,” dagdag pa ni Bahadoran.
Ang ensayo ng Azkals sa umaga ay ginagawa sa Emperador Stadium sa BGC sa Taguig City at pinalalakas niya ang striking at dribbling na magiging mahalaga lalo pa’t malalakas na kalaban ang haharapin ng Azkals sa paglalim sa yugto ng kompetisyon.
Sa Sept. 8 ay babalik ang Azkals para sa home game sa Philippine Stadium laban sa Uzbeks at pakay pa ang isang panalo para tumatag ang kapit sa unang dalawang puwesto.
Nananalig si Bahadoran na darating ang mahalagang suporta ng mga manonood para lalong tumaas ang morale ng bawat kasapi ng Azkals.
Ang halaga ng tiket para makapanood ng live sa venue sa Bocaue, Bulacan ay P531.80 sa Zone 1, P331.14 sa Zone 2 at P125.40 sa Zone 3.
- Latest