MM nasa heightened alert
MANILA, Philippines - Itinaas ng Metropolitan Manila Development Authority at ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa “heightened alert” ang kanilang tanggapan lalo na ang kanilang mga tauhang nakatalaga sa disaster at emergency response dahil sa posibleng pananalasa ng bagyong Chedeng sa Metro Manila.
Sinabi ng MMDA Chairman Francis Tolentino, head din ng MMDRRMC, na nakaantabay na ang kanilang mga tauhan katuwang ang mga nasa pamahalaang lokal para sa 24-oras na monitoring.
Gagamitin din nila ang kanilang mga radio communication upang madaling maipakalat ang impormasyon sa mga pamahalaang lokal ang anumang impormasyong may kaugnayan sa bagyo at rescue operation.
Parating magpapalabas ng update ang MMDA’s Flood Control Information Center sa MMDRRMC at mga tauhan ng pamahalaang lokal.
Sa ilalim ng pagpapatupad nila ng heightened alert status, ang 30 porsiyentong nakatalaga sa disaster at emergency response ay nakaantabay para sa agarang pagresponde.
Kahapon ay nagpadala na si Tolentino ng ibang rescue team sa lalawigan ng Aurora at Isabela upang magbigay ng ayuda sa mga residenteng maaapektuhan ng pananalasa ng bagyong Chedeng.
Samantala, kaagad na pinaimbertaryo ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay ang kanilang mga equipment, pasilidad at supplies na kakailanganin sakaling tamaan ni Chedeng ang Metro Manila. Ang unang palapag ng Makati City Building 2 ang siyang magiging tanggapan para magsagawa ng monitoring hinggil sa kalamidad.
Samantala, sa ulat naman ng social welfare department, nakahanda na ang kanilang mga relief goods para ipamahagi sa 7,900 pamilya na posibleng maapektuhan ng bagyo.
- Latest