Pacquiao iisnabin muna ang mga reporters sa gym
MANILA, Philippines - Sa Abril 15 na muling makikipag-usap si Manny Pacquiao sa mga mamamahayag hinggil sa magiging laban nila ni Floyd Mayweather Jr.
Mula noong Sabado ay isinara na ang training camp ni Pacquiao sa Wild Card Gym sa mga mamamahayag para ituon na ng Pambansang Kamao ang kanyang isipan sa mega-fight nila ni Mayweather sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Mismong si ‘Pacman’ ay sang-ayon sa naturang aksyon na ito ng trainer na si Freddie Roach.
Aminado siyang dapat na nasa kanyang mental focus sa pakikipagsukatan kontra sa walang talo at kasalukuyang ‘pound-for-pound king’ na si Mayweather.
“You have to focus without interruption after your activities of jogging, training. I don’t want to focus on anything other than boxing,” wika ni Pacquiao sa panayam ng The Times.
Hindi naman ibig sabihin nito na ayaw niyang nakakausap ng mga mamamahayag bagkus ay kinilala niya ang kahalagahan ng mga ito para mai-promote nang husto ang kinasasabikang laban sa kapanahunang ito.
Ngunit humingi rin siya ng pang-unawa sa lahat sa desisyong itago ang kanyang pagsasanay sa mata ng iba.
“This is just the first time I’m asking for time to focus. There’s something I need to achieve in this camp especially mentally,” paliwanag ng Filipino world eight-division champion.
Itinataas na ni Roach ang paghahanda ni Pacquiao dahil apat na linggo na lamang ay magaganap na ang pagkikita ng dalawang tinitingalang boksingero sa era na ito.
“Since the red carpet (March 11) until now, we’ve done so much press – triple any other fight – he’s a little tired of it,” wika ni Roach sa 36-anyos na si Pacquiao.
Nasa sampung rounds na ang sparring rounds ni Pacquiao at sa mga susunod na salang nito ay itataas pa ito at ilalabas na rin ng batikang trainer ang sinasabing alas na dating kaalyado ni Mayweather na nasa kanilang kampo ngayon at siyang magsisiwalat sa kahinaan at kalakasan ng walang talong katunggali.
Ang Abril 15 ay nakatakdang media day para kay Pacquiao. (AT)
- Latest