2 most wanted sa Valenzuela tiklo
MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng Valenzuela City Police ang Top 6 at Top 10 Most Wanted sa lungsod sa ikinasang magkahiwalay na anti-drug operations, kamakalawa sa lungsod.
Ayon kay Valenzuela City Police chief, Sr. Supt. Rhoderick Armamento, sina Arnold Rivera, top 6 most wanted sa lungsod at Jessie Torado, 37, may-asawa, Top 10 most wanted, ng no. 720 San Jeremias St., Bgy. Karuhatan, ng naturang lungsod ay nadakip sa tapat ng isang shopping mall sa Gen. Luis, Bgy. Passo de Blas nang isagawa ang operasyon ng Anti-Illegal Drugs Unit.
Nadakip din ang isa pang suspek na si Levy Baldemos, 31, may-asawa, ng no. 12 Anak Dalita Compound, Bgy. Marulas.
Sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng operasyon ang SAID kung saan isang asset ang nagsilbing buyer ng iligal na droga.
Hindi na nakapalag si Rivera nang arestuhin ng mga pulis matapos abutin ang marked money buhat sa poseur buyer. Nakumpiska sa posesyon ng suspek ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at isang motorsiklo na gamit nito sa pagtutulak ng iligal na droga.
Nadakip rin sa naunang operasyon nitong Marso 19 tapat ng Jeepney Market sa may Bgy. Karuhatan, ng naturang lungsod sina Torado at Baldemos.
Nagpanggap na buyer ng iligal na droga ang isang asset na agad na dinakma ng mga pulis nang magkabayaran. Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Ayon sa pulisya, matagal na nilang hinahanting sina Rivera at Torado na mga pinakanotoryus na tulak ng iligal na droga sa lungsod. Nahaharap ngayon ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest