May hika o asthma
(Part 1)
SA buong mundo, 1 sa 8 bata ay may hika at 1 sa 13 matatanda ay may hika. Ang mga sintomas ng hika ay ang hirap sa paghinga, pag-ubo at paghuni (wheezing). Ang huni ay katunog sa “huuu-huuu,” na parang may pusa sa baga.
Ang sanhi ng hika ay ang pamamaga at pagiging sensitibo ng mga maliliit na daanan ng hangin sa ating baga (lung bronchioles). Kapag umaatake ang hika, dumarami ang plema sa baga at kumikipot ang daanan ng hangin, kaya naghahabol ng hininga ang pasyente.
Walang permanenteng gamutan sa hika. Ngunit kung babaguhin mo ang iyong pamumuhay, puwedeng mabawasan ang atake ng hika ng 50 per cent.
Heto ang mga dapat gawin:
1. May allergy ba sa paligid? Mga 80 per cent ng taong may hika ay may allergy din. Pag-isipan mo kung ano ang iyong ginawa bago umatake ang hika. Napagod ka ba, nainitan, o nakasinghot ng mabahong bagay? Isulat ito sa isang diary. Umiwas sa mga bagay na nagpapaatake ng hika mo.
2. May allergy ba sa pagkain? Hindi kasing dalas ang allergy sa pagkain (mga 8 per cent lang) pero nangyayari din ito. Mag-ingat sa mga food preservatives, food coloring, sitsirya, alak, mani, seafoods, itlog, manok, at iba pa. Hanapin kung saang pagkain ka may allergy at umiwas dito.
3. Mag-ingat sa mga gamot. May taong may allergy sa mga gamot tulad ng aspirin, penicillin at gamot sa kirot. Paracetamol lang ang ligtas para sa iyo. Kumonsulta sa doktor bago uminom ng gamot o kahit anong supplement.
4. Umiwas sa pollen. Pagdating ng tag-init (Marso hanggang Hunyo), naglalabasan ang maraming pollen galing sa mga puno at damuhan. Magsuot ng face mask. Mas maraming pollen sa umaga, bago mag-10 ng umaga.
5. Kapag taglamig na, minsan ay nagkaka-amag at fungus ang banyo dahil lagi itong basa. Tuyuin ang banyo pagkatapos maligo.
6. Kung may vacuum cleaner, gamitin ito para higupin ang mga dumi sa bahay. Kung puwede, alisin ang mga carpet at rugs dahil napakabilis nito kapitan ng alikabok.
7. Umiwas sa alagang hayop. Paliguan ang alagang aso bawat linggo. Kung puwede ay huwag na lang mag-alaga ng hayop sa bahay, dahil nakakahika ang maliliit na balahibo nila.
8. Buksan ang bintana sa kusina. Ang matinding amoy ng pagkain ay puwedeng pag-umpisahan ng hika. Nakaiirita ang usok at amoy ng nilulutong sibuyas, bawang at pritong pagkain. Maglagay ng exhaust fan o magluto sa labas ng bahay.
Sa susunod, may dagdag payo tungkol sa hika.
- Latest