MILF, panagutin sa pagkanlong sa terorista
HINDI dapat palampasin ng gobyerno ang ginawang pagkanlong ng Moro Islamic Liberation Front sa international terrorist na si Marwan.
Ito ay matapos na kumpirmahin ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa DNA test na tumugma ang pinutol na daliri ni Marwan sa kanyang kapatid na nakakulong at hawak ng US authorities.
Lumilitaw na si Marwan ang napatay ng Special Action Force (SAF) at ito ay nangyari sa inaangking territoryo ng MILF sa Mamasapano, Maguindanao.
Ngayon ay lumitaw na naging matagumpay ang operasyon ng SAF bagamat nahaluhan ng kalungkutan dahil sa pagkamatay ng 44 commandos.
Mahirap husgahan ang naging diskarte ng mga pinuno ng SAF sa hindi nito pakikipag-ugnayan sa MILF dahil kung ginawa pala ito ay malabong maging matagumpay ang pagpatay kay Marwan.
Kung nakipag-coordinate ang SAF sa MILF, malamang na nasunog ang operasyon kay Marwan dahll lumilitaw na nasa teritoryo pala ng rebeldeng grupo ang terrorista.
Gayunman, kailangan pang magsagawa ng mas malalimang imbestigayon ang PNP at maging ang AFP kung talaga bang kinanlong ng MILF si Marwan.
Tiyakin din kung mayroong sumailalim na Pilipino sa training kay Marwan sa paggawa ng bomba at pagpapasabog kaugnay ng paghahasik ng karahasan sa bansa at iba pang panig ng mundo.
Kung magiging klaro na ang lahat ay saka na ituloy ang pakikipag-usap sa MILF dahil importante ang usapang kapayapaan na makamtan sa Mindanao tungo sa kaunlaran ng rehiyon at buong bansa.
Samantala, hindi na siguro kailangan pa ang pagsasabatas kung may nangyaring kapalpakan sa Mamasapano encounter ng SAF kaya walang saysay ang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa halip ay ipaubaya na lang ito sa ibang investigating body na magtatama sa mga patakaran at polisiya na magpapabuti sa trabaho ng mga pulis.
- Latest