Julian Trono puro magagaling na Koreano ang katrabaho sa kanyang single!
MANILA, Philippines - Lumipad patungong Korea ang GMA Artist Center teen idol na si Julian Trono kamakalawa upang daluhan ang kanyang guest spot sa live musical variety program ng MBC, ang Show Champion.
Kinakitaan ng malaking potensyal sa pag-awit ang Kapuso teen star nang mapanood ang kanyang performance sa telebisyon. Agad siyang napansin ni Jin-Eog Kim kaya naman siya ang napili nilang sanayin at hasain sa larangang ito. Si Jin-Eog Kim ang co-CEO ni Alfredo delos Santos sa JU Entertainment Music & Contents Inc., isang Pinoy company na nag-aadopt ng K-Pop system. Nakilala rin siya sa kanyang pagiging eksperto sa scouting, developing talent at artist management at kabilang sa kanyang mga nadiskubre ang SeoTaiji and boys.
Patuloy pa rin ang training ni Julian upang malinang ang kanyang talento sa pag-awit at maging sa pagsasayaw sa ilalim ng K-Pop (Korean Pop) system.
Kabilang sa dream team na umaalalay kay Julian ang songwriter na si Jack Kim (Kim Heon-Jik) na nakatanggap ng Jade Solid Gold Best Ten Music Awards for best composer sa China at Hong Kong noong 2005 dahil sa kanyang kontribusyon sa music industry gamit ang kanyang mga komposisyon para sa mga sikat na Korean artists, mga drama programs, mga pelikula, at sandamakmak na komersyal.
Bahagi sa music video ni Julian ang sikat na Korean rapper na si ONE, miyembro siya ng crossover hip-hop team na T.L CROW. Nakapag-perform na siya bilang underground artist at nakasama na ng iba’t ibang artists mula sa United States at Korea simula noong 2003 nang manalo siya sa Joe Jackson Hip-Hop Boot Camp, isang rapping battle na sinimulan ni Joe Jackson, ama ni Michael Jackson. Si ONE ang kauna-unahang Asyanong nanalo sa buong kasaysayan ng rapping battle na iyon.
Noong January 29, bumisita si ONE sa Pilipinas upang i-shoot ang music video ng upcoming single ni Julian na Wiki Me sa direksyon ni Albert Langitan, isang respetadong drama and reality shows director ng GMA Network.
Samantala, si Hwang Young-Chul naman ang opisyal na photographer para sa proyektong ito. Kinilala siya bilang best photographer for profile pictures ng top Korean celebrities at pinagkatiwalaan din siyang kumuha ng litrato para sa 60 Korean drama at movie posters. Dahil sa kanyang natatanging talento, nakapagsagawa na siya ng maraming photo exhibitions sa Korea at Japan kung saan natanggap niya ang ‘Korea Culture Entertainment Award for Hallyu (Korean Wave) Star Photographer’ noong 2011.
Aminado si Julian na bago ito para sa kanya. “A lot of people, mas kilala nila ako as a dancer, so big leap siya para sakin. And for the past couple of months I’ve been under serious training,” ani Julian. Ngunit hindi ito naging hadlang upang makatulong siya sa ikagaganda ng produksyong ito. Ibinahagi ni Julian ang mga naging kontribusyon niya simula sa pag-aayos ng beat ng kanta hanggang sa hitsura ng kanyang music video.
Ayon sa kanya, hindi maiwasan na mangibabaw ang pagiging choreographer niya ngunit sa huli naisip din niyang magandang oportunidad na ito para matuto at masubok pa ang kanyang talento.
Excited siyang makakilala ng mga Korean artists at higit sa lahat, ang maging kinatawan ng Pilipinas sa bansa kung saan buhay na buhay ang pop music.
- Latest