Iranian riders paborito sa titulo sa 2015 Le Tour
MANILA, Philippines - Ipinalalagay na ang Tabriz Petrochemical Team ng Iran ang siyang patok sa titulo sa 2015 Le Tour de Filipinas na magsisimula dalawang linggo mula ngayon sa Bataan.
May 13 dayuhang koponan ang kasali pero paborito ang Tabriz dahil nasa koponan ang 2013 champion na si Ghader Mizbani. May malakas siyang katuwang sa katauhan ni Mirsamad Poorseyediholakhour na siyang lumabas bilang number one rider sa 2014 Asia Tour ranking.
Isa pang Iranian team na Pishgaman Yzad Pro Cycling Team ang sasali at siyang inaasahan na makakatunggali ng Tabriz sa pagdadala ng 2011 champion na si Rahim Emami.
Hindi pahuhuli ang Pilipinas dahil si Mark Galedo ay magtatangka rin na maging kauna-unahang siklista na nakadalawang sunod na titulo lulan ang national team.
Kung ang ranking ang pag-uusapan, si Galedo ang pinakadehado sa mga dating kampeon dahil nasa 67th puwesto siya habang sina Mizbani at Emani ay nasa ikaanim at siyam sa talaan.
Pero sasandalan niya ang pagtutulungan ng lahat ng siklista na bubuo sa dalawang koponan mula sa host country para hindi mawala ang titulo sa karerang inorganisa ng Ube Media at handog ng Air21.
Bukod sa national team, sasali rin ang 7-Eleven Roadbike Philippines na pinalakas sa pagkakaroon ng tatlong dayuhang siklista.
Sa Pebrero 1 magsisimula ang ikaanim na edisyon ng LTDF at ito ay isang Balanga-Balanga race. Ang Stage Two ay Balanga hanggang Iba, Zambales habang tutungo ang mga siklista sa Lingayen, Pangasinan sa Stage Three.
Ang huling stage ay Pangasinan hanggang Baguio gamit ang Kennon road.
- Latest