‘Rain or shine’, Pope Francis tuloy sa Leyte
MANILA, Philippines - Hindi makakansela ang pagbiyahe ni Pope Francis sa nakatakdang schedule sa Leyte kahit pa may nararanasang malalakas na pag-ulan sa lalawigan.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, prayoridad ni Pope Francis ang kaniyang biyahe sa Tacloban at Palo, Leyte upang makadaupang-palad ang mga survivors ng bagyong Yolanda, kaya’t kahit masama ang panahon ay tuloy ang naturang aktibidad.
Nakatakdang dumalaw ang Santo Papa sa Leyte sa Sabado, Enero 17, kung kailan inaasahang magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan doon.
Sinabi ng Arsobispo na sakaling magkaroon pa rin ng masamang panahon dahil sa low pressure area, na maaaring maging bagyo anumang araw, ay maaaring kanselahin ang ilang aktibidad na inihanda para sa Santo Papa tulad ng pagtungo nito sa UST at pagmimisa sa Luneta Park sa Maynila.
Gayunman, hindi aniya kakanselahin ang Leyte trip na siyang prayoridad ng Santo Papa, partikular na ang open-air mass sa Tacloban airport kung saan inaasahang may 80,000 katao ang dadalo.
Matatandaang isa sa mga dahilan nang pagtungo sa bansa ng Santo Papa ay ang makita ang mga biktima ng bagyong Yolanda, na sumalanta sa Leyte at iba pang bahagi ng central Philippines noong Nobyembre 2013 at pumatay ng mahigit 6,000 katao.
- Latest