Tiangco kinutya si Cayetano sa isyu ng droga
MANILA, Philippines – Kinondena ni United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco ang pagkakaungkat ni Senador Alan Peter Cayetano sa usapin ng mga iniimbentong kuwento at mga halusinasyong bunsod ng droga.
Ipinaalala ni Tiangco sa senador kung paano inilarawan ni Cayetano si Pangulong Aquino bilang ‘topak’ sa kampanya sa halalan noong 2010. Ikinasiya naman ni Tiangco na inungkat ng mga ‘bata’ ng senador ang isyu ng pag-iimbento ng kuwento dahil sa mga kuwestyon kung sino ang nagpopondo sa TV advertisement sa Taguig ni Cayetano.
“Mabuti at binanggit ng tagapagsalita ni Cayetano na produkto lang ng hallucination ang multi-million peso Taguig TV ads. Ipinakikita lang na naman niya ang hilig mag-imbento at mag-hallucinate,” sabi ni Tiangco.
“Nakalimutan na ba niya na si Cayetano ang nagsabing may topak si PNoy? Magkasama si Cayetano at GMA noon pang 2004 at kung anu-ano ang inimbento nilang kwento laban kay FPJ. Ngayon, sinasabi ng taong ito na produkto ng hallucination ang isyu sa pondo ng Taguig TV ad,” dagdag ni Tiangco.
Ikinagulat din ni Tiangco na biglang natameme ang senador sa pagharap sa media para sagutin ang mga tanong kung sino ang nagbayad para sa production at placement ng kanyang 15/30-seconder TV spots nito sa primetime, kasabay ang paghamon na sabihin nito sa publiko ang detalye ng limang buwang tv ads.
Nauna rito, ibinunyag ni Tiangco na ang primetime television advertisements ni Cayetano ay nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P150,000 para sa isang 15-second commercial. Tinayang umabot sa P500 milyon ang naturang TV ad na tumagal nang limang buwan.
Nitong Martes, hinamon ni Tiangco ang mga alalay ni Cayetano na sumailalim sa drug test.
- Latest