SLEX tragedy: 1 patay,1 sugatan
MANILA, Philippines – Patay ang isang motorista at sugatan naman ang isang bagitong pulis sa isang aksidente na naganap sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) sa Pasay City, kamakalawa ng tanghali.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Antonio Buenaventura, 64, taga San Pedro, Laguna matapos itong magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sugatan at nilalapatan ng lunas sa naturang pagamutan si P01 Dexter De Sesto, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) Battalion.
Sa pagsisiyasat ni SP02 Pepito Tabios, ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) na nakabase sa Bicutan, Parañaque City, naganap ang insidente alas-11:46 ng tanghali sa South bound lane ng kahabaan ng SLEX, Villamor, Pasay City.
Minamaneho ni Buenaventura ang isang Daewoo Racer (TMG-602) at binagbagtas ang naturang lugar kung saan nais nitong okupahan ang leftmost lane paakyat ng Sales Bridge. Dahil sa mabilis ang takbo ay tumama sa concrete barrier ang bandang uluhan ng sasakyan nito.
Sanhi upang magpaikot-ikot ito hanggang sa bumaligtad kung saan nadamay pa ang dumadaang motorsiklo na minamaneho naman ni P01 De Sesto.
Agad na dinala ng rescue team ng SLEX ang mga biktima sa nabanggit na ospital.
Subalit si Buenaventura ay binawian ng buhay habang nilalapatan ito ng lunas, sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ang naturang insidente.
- Latest