Ratings ni Binay patuloy ang pagbaba
MANILA, Philippines – Muli na namang bumagsak ang public satisfaction rating ni Bise Presidente Jejomar Binay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Walong puntos ang nabawas sa grado ni Binay para sa fourth quarter ng 2014 na umabot na lamang sa “good” na +44 mula sa “very good” na +52.
Sa kabila nang pagbaba ng grado ay si Binay pa rin ang nananatiling pinakamataas sa mga opisyal ng gobyerno.
Nakakuha ng +28 na moderate na grado si Senate President Franklin Drilon mula sa +36 na good, habang nasa moderate pa rin si House Speaker Feliciano Belmonte na +11.
Halos hindi naman gumalaw ang grado ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na may +10 mula sa +11 na moderate.
Isinagawa ang survey noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, ilang linggo matapos umatras si Binay sa nakatakdang debate nila ni Senador Antonio Trillanes IV.
Bumaba ang grado ni Binay nang madawit sa isyu ng overpriced na mga proyekto sa lungsod ng Makati, kabilang ang City Hall 2.
- Latest