Bidder pinasisiyasat ng Comelec
MANILA, Philippines – Inutos kahapon ni Commission on Election (Comelec) Chairman Sixto Brillantes na siyasatin ang akusasyon sa Indra Sistemas S.A. na sabit umano sa ilang mga katiwalian sa Spain at sa kuneksyon ng kumpanya sa pamahalaang Kastila.
Sinabi ni Brillantes na inatasan na niya ang Comelec-Bids and Awards Committee (BAC) na silipin ang report na isa sa mga bidder, ang Indra Sistemas, ay kunektado sa Spanish government.
“Merong ulat na kasosyo ang pamahalaang Kastila sa Indra kaya ipinapaimbestiga ko kung ipinagbabawal ito para makasiguro,” paliwanag ni Brillantes sa mga reporter.
Nauna rito, nagsumite ang Indra at ang Smartmatic ng kani-kanilang Eligibility Requirements and Initial Technical Proposals para sa pag-upa ng Comelec ng 23,000 Optical Mark Reader (OMR) machines.
“Magkakaroon dito ng conflict of interes dahil hindi tayo maaaring magkaroon ng kumpanya na nagbibigay sa atin at nagpapatakbo ng teknolohiya pero kontrolado naman ito ng isang dayuhang pamahalaan,” dagdag niya.
Lumalabas na ang Indra ay isang malaking IT company sa Spain mula noong 1993. Nag-aalok ito ng mga produkto at serbisyo sa mga pribado at pampublikong entidad sa Southeast Asia at merong tanggapan sa ilang bansa. Hindi pa umano nasasangkot ang kumpanya sa pagtatayo at operasyon ng automated election system na merong pambansang saklaw.
Lumilitaw din na pangunahing commercial interes ng Indra ay sa defense industry.
- Latest